in

Pahintulot mula sa may-ari ng bahay, kailangan sa pagpapatala bilang residente?

Kadarating lang sa Italya ng aking asawa na kinuha ko sa pamamagitan ng family reunification. Para sa kanyang pagpapa-rehistro sa Comune kung saan ako residente ay hinanap ang pahintulot mula sa may-ari ng apartment na aming tinitirahan. Maaari ko bang itanong kung bakit po?   

 

 

Disyembre 16, 2016 – Batay sa artikulo 6 talata 7 ng Batas sa Imigrasyon (D. Lgs. 286/98) ang pagpapatala o iscrizione anagrafica ng mga mamamayang dayuhan ay katulad ng pagpapatala ng mga mamamayang italyano. Bago ito, malinaw na ang mga non-EU nationals ay kailangang mapatunayan ang pagiging regular sa bansa (sa pamamagitan ng permit to stay o carta di soggiorno o ng renewal receipt nito) at kung ipapatala rin bilang residente ang miyembro ng pamilya, ay kailangan rin ang dokumentasyon na nagpapatunay ng relasyon dito (birth certificate o marriage certificate mula sa sariling bansa, isinalin sa wikang italyano at authenticated ng italian embassy.

At upang maiwasan ang hindi regular na paninirahan na karaniwang nangyayari sa kasalukuyan, mula Marso noong nakaraang taon ay ipinatutupad ang mga bagong panuntunan para sa lahat, dayuhan man o hindi.

Sa pagpapatala (o iscrizione anagrafe) bilang residente sa unang pagkakataon o ang pagpalit nito (cambio abitazione) ay kinakailangang ipakita ang katungkulan o dahilan ng maninirahan sa apartment.  

Ang Decreto Legge noong Marso 28, 2014, bilang 47, upang maiwasan ang lumalalang hindi regular na paggamit o paninirahan sa isang tahanan o apartment, ay itinalaga na “Sinumang maninirahan ng hindi regular sa isang tahanan at walang anumang katungkulan o dahilan ay hindi maaaring mag-aplay para sa residensya, at pati anumang serbisyong pampubliko na naa-angkop sa pabahay at pinawawalang bisa ang lahat ng dokumentasyon sa paglabag sa batas na ito”.

Samakatwid ang mga mamamayang nais na magpatala sa unang pagkakataon (o gagawa ng Dichiarazione di residenza) o nais na mapalit nito (o ang cambio di abitazione) ay kailangang mapatunayan ang dahilan o katungkulan sa paninirahan sa tahanan o apartment kung saan nais maging residente, halimbawa bilang tenant o umuupa (affitto) o libreng pinatitira ng may-ari ng apartment (comodato).

Sa kasong ang aplikante bilang residente ay iba sa pangalang naka-prima sa kontrata (upa o libreng patira) ay kailangang i-prisinta ang deklarasyon ng pahintulot (o dichiarazione di consenso) mula sa may-ari ng bahay, lakip ang kopya ng dokumento nito. Kung sa apartment naman ay may mga residente na, ang mga ito ay kailangan ring gumawa ng deklarasyon ng pahintulot.  

Ipinapaalala rin na sa pag-aaplay ay kailangang gamitin ang angkop na form na maaaring ipadala sa pamamagitan ng:
–    Direktang pagsusumite sa ufficio anagrafico ng angkop na munisipyo
–    Sa pamamagitan ng certified email o ordinaryong email
–    Registered mail
–    Fax

Sa lahat ng nabanggit na pamamaraan ay kailangang ilakip ang kopya ng dokumento ng aplikante at mga  karagdagang doumentasyon bilang supporting documents.

Ang pagpapatala o iscrizione anagrafica ay ibinibigay agad kung ang aplikante ay personal na mag-aaplay at dala ang lahat ng kinakailangang papeles at ang residensya ay magsisimula sa araw ng pag-aaplay nito. Sa ibang mga kaso, dahil sa pagpapatupad ng decreto di simplificazione e sviluppo (D.L. n. 5 Pebrero 2012), ang pagpapatala ay magaganap lamang makalipas ang dalawang araw mula sa pagtanggap ang aplikasyon.
 

 

Atty. Mascia Salvatore
isinalin sa tagalog ni Pia Gonzalez-Abucay

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pres’l survey: nangunguna pa rin si Binay

Narito ang mga exempted sa pagsusulit sa wikang italyano at sibika ng integration agreement