Ako po ay nagbakasyon sa Pilipinas kasama ang 14 anyos kong anak, ngunit hindi kasama ang kanyang ama. Ako ay pinakuha ng Affidavit subalit ito ay hindi naman pala kailangan sa muling paglabas ng Pilipinas bagkus ay tinanong lamang ako kung ako ang Ina. Kailangan po ba talaga ang Parental Consent?
Upang maiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga batang wala pang 18 anyos, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay naglabas ng mga alituntunin para sa ligtas na paglalakbay ng mga batang may edad na nabanggit sa ibang bansa ng nag-iisa o hindi kasama ang kanilang mga lehitimong magulang. Sila, ayon sa Republic Act. 6809, na pinirmahan noong Disyembre 13,1989, ay itinuturing na Menor de Edad.
Batay sa Travel Advisory ng DSWD, ang mga menor de edad ay kinakailangan kumuha ng Travel Clearance mula sa kanilang tanggapan lalo na’t bibiyahe palabas ng bansang Pilipinas.
At para sa mga Pilipino na naninirahan sa Italya, ang Travel Clearance, na kilala rin bilang Parental Consent ay kinukuha mula sa Embahada o Konsulado sa pamamagitan ng Affidavit of Parental consent and support bilang paghahanda sa pagbalik sa Italya at muling paglabas ng Pilipinas.
Ayon sa Travel Advisory ng DSWD, nangangailangan ng nasabing dokumento ang mga:
1) menor de edad na magbibiyahe na walang kasamang matanda at hindi kasama ang mga lehitimong magulang;
2) mga menor de edad na magbibiyaheng hindi kasama ang mga lehitimong magulang at may ibang taong kasamang magbibiyahe;
3) mga illegitimate child na bibiyahe na ang kasama ay hindi ang Ina.
Ayon pa rin sa Travel Advisory ng DSWD hindi kinakailangan na kumuha ng Travel Clearance kung:
1) ang menor de edad ay kasama ang isa sa mga lehitimong magulang sa pagbibiyahe;
2) hindi rin kinakailangan ang Travel Clearance sa isang menor de edad na bibiyahe sa kundisyong ang magulang ay pawang mga immigrants o permanent residents sa ibang bansa at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng anumang dokumento na sila (magulang at anak) ay naninirahang kasama nito sa ibang bansa.
3) kung ang menor de edad ay mayroong sariling permit to stay.
Sa kabila nito, madalas na pinapakuha pa rin ng Affidavit (na nagkakahalaga ng € 22.50) mula sa Embahada ng Pilipinas o sa Konsolado (consent ng kabiyak) kung ang menor de edad ay bibiyahe na isa lamang sa kanyang mga magulang ang kasama. Isang bagay na taliwas sa nasasaad sa Advisory ng DSWD.
Gayunpaman sa Italya ay pinahihintulutan na bumiyahe mag-isa ang isang menor de edad mula 14 anyos kung dala-dala o hawak niya ang lahat ng pagkakakilanlan (ID, Pasaporte etc) kahit hindi niya kaano-ano ang kasama. Samantalang ang edad na 15-18 ay pinapahintulutan naman na bumiyahe ng mag-isa o kahit walang kasamang magulang o matanda.
Ibarra Banaag