Ang pagharap sa krisis pangkalusugan hatid ng Covid19 ay nagbigay ng maraming pagbabago hindi lamang sa ating pang-araw-araw na pamumuhay pati na rin sa validity ng mga dokumento partikular ng permesso di soggiorno ng mga dayuhan.
Sa katunayan, sa panahon ng lockdown sa Italya ay dalawang beses pinalawig ang validity nito.
Una, batay sa DL Cura Italia ng March 7, 2020 n. 18, ay nasasaad na ang mga certificates, permits, authorizations, attestati at atti pati ang mga permesso di soggiorno, na ang validity ay mula January 31 hanggang April 15, 2020 ay mananatiling balido hanggang June 15, 2020.
Ikalawa, ang pagsasabatas ng DL Cura Italia ng April 24, 2020, n. 27 na ipinatutupad simula April 30, 2020 ay nagpalawig muli sa validity ng mga permit to stay hanggang August 31, 2020.
Kaugnay nito, sa isang Paalala noong May 4, 2020 ay kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Roma at Konsulado Heneral sa Milan, na ayon sa Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation, ang mga permesso di soggiorno (permit to stay) na nag-expire o malapit nang mag-expire ay mananatiling may bisa hanggang 31 Agosto 2020.
Bukod dito, para sa mga inabutan ng lockdown sa Pilipinas “na may expired o malapit nang mag-expire na permesso di soggiorno ay pinapayagang bumalik sa Italya hanggang 31 Agosto 2020 nang hindi na kinakailangang mag-apply ng re-entry visa sa Embahada ng Italya sa Manila. Ang impormasyon ito ay ipinaalam na rin sa Bureau of Immigration ng Pilipinas”.
Samakatwid, ay hindi na kakailanganin pa ang mag-applay ng re-entry sa Embahada ng Italya sa Manila, sa kundisyong babalik ng Italya hanggang Agosto 31, 2020. (PGA)