Ngayong 2013 ay umiinit na naman ang balita ukol sa Divorce Bill sa Congress of the Philippines upang ganap na ma-aprubahan at maging batas. Dahil dito ay maraming nagtatanong na mga OFW kung pwede na silang kumuha ng divorce sa ibang bansa?
Ang DIVORCE na kinuha ng isang Filipino sa abroad o sa ibang bansa o sa labas ng bansang Pilipinas ay walang epekto sa Pilipinas. Kung magkaroon man ng divorce law sa Pilipinas, wala pa ring epekto ang kinuha sa abroad ng isang Filipino dahil ang divorce na recognize o may bisa, ay ang divorce na kinuha ng Filipino sa ilalim ng batas ng Pilipinas at hindi sa ilalim ng batas ng ibang bansa dahil tayong mga Filipino ay sumusunod sa Nationality Rule. Anumang proseso na makakaapekto sa family rights, duties, status, condition o legal capacity ng isang Filipino kahit siya ay nasa abroad, ang batas ng Pilipinas pa rin ang applicable at mananaig at hindi ang batas ng ibang bansa.
Ang Personal and Family Law ng Pilipinas ay base sa Nationality Rule o Nationality Theory na nasa Article 15 ng New Civil Code na nagsasad ng “laws relating to family rights and duties, or to the status, condition and legal capacity of persons are binding upon citizens of the Philippines, even though living abroad." Ibig sabihin, ang batas ng Pilipinas tungkol sa karapatan at obligasyon sa pamilya, estado, kundisyon at kapasidad na legal ay nakatali o nakakabit o applicable sa lahat ng Filipino kahit nakatira sa ibang bansa. Kahit nasaang panig ng mundo, kung ang status sa Pilipinas o bilang Filipino ay “married” ay considered na married saan man. Philippine courts lang ang pwede magpawalang bisa ng kasal.
Ang batas ng Pilipinas ay sumusunod sa Nationality Rule o Theory, anumang divorce ang kinuha ng isang Filipino sa ibang bansa ay walang epekto sa Pilipinas at considered na kasal pa rin ito. Ang divorce decree na kinuha sa ibang bansa ng isang Filipino ay hindi irerehistro ng National Statistics Office (NSO) dahil ito ay walang bisa sa batas ng Pilipinas.
Ang divorce under Presidential Decree No. 1083 otherwise known as the "Code of Muslim Personal Laws of the Philippines", lamang ang uri ng divorce na kinikilala ng Philippine law.
Samakatwid, ang divorce na kinuha ng mag-asawang Filipino o isang Filipino sa ibang bansa ay walang bisa.
Sa katunayan, ito ay ipinagbabawal din sa ilalim ng Article 17 ng New Civil Code kung saan sinasabi na "prohibitive laws concerning persons, their acts or property, and those which have, for their object, public order, public policy and good customs shall not be rendered ineffective by laws or judgments promulgated, or by determinations or conventions agreed upon in a foreign country." Ito ay nangangahulugang ang batas ng Pilipinas ay hindi pwedeng mabalewala ng anumang batas o desisyon ng korte o napagkasunduan sa ibang bansa. (Atty. Marlon Valderama –www.e-lawyersonline.com)