Ang aking pinsan ay nag-trabaho bilang seasonal worker dito sa Italya sa nakaraan. Ngayong taon ay mayroong bagong employer na nais mag-aplay ng nulla osta pluriennale para sa kanya. Maaari ba syang mag-aplay nito?
Napapaloob sa Decreto Flussi 2019 ang pagpasok ng 18,000 mga seasonal workers sa Italya mula sa 27 bansa, kasama ang Pilipinas, hanggang Dec. 31, 2019. At 2,000 sa bilang na ito ay nakalaan sa tinatawag na ‘lavoratore stagionale pluriennale’.
Ang pagkakaroon ng nulla osta pluriennale o multi-year working permit sa seasonal job ay maaaring i-aplay ng seasonal worker na nag-trabaho na sa Italya ng kahit isang beses lamang sa huling limang taon.
Sa katunayan, ito ay nagpapahintulot sa mas madaling pagpasok sa Italya ng mga seasonal workers.
Ang aplikasyon ay maaaring gawin kahit ng bagong employer sa susunod na taon at partikular ito ay nagpapahintulot sa susunod na pagpasok ng seasonal worker kahit sa kawalan ng paglalathala ng decreto flussi. Samakatwid, sa ikalawa at ikatlong taon, matapos ang unang entry ng seasonal worker sa Italya, ang employer ay maaaring tawaging muli ang worker, kahit anong panahon o petsa at hindi na kinakailangang maghintay pang maitalaga ang decreto flussi kahit na iba o bago na ang employer.