Ako po ay isang Pilipina. Sa aking naging interview sa isang employer ay hinihingan ako ng prova? Tama po ba ito?
Rome – Abril 5, 2013 – Ang domestic job ay sumasailalim sa panahon ng pagsubok o prova, regular na binabayaran tulad ng nasasaad sa batas.
Sa panahon ng pagsubok, ang worker o employer ay maaaring tapusin ang ‘pinagkasunduan’ nang walang abiso, ngunit ang karapatan ng worker sa kaukulang sweldo at sa anumang kabayaran sa overtime na ginugol nito ay nananatili.
Sa katunayan, ang worker na sumasailalim sa panahon ng pagsubok ay kinikilala bilang isang 'regular' na manggagawa at pinoproseso ang magiging kontrata at dapat na regular na bigyan ng sahod.
Kung sa pagtatapos ng panahon ng pagsubok ang worker ay hindi nakatanggap ng anumang abiso, ang pag-eempleyo o hiring ay itinuturing na kumpirmado. Ang oras na ginugol sa panahon ng pagsubok ay kinakalkula kasama sa tinatawag na anzianità di servizio.
Ang panahon ng pagsubok ay batay sa kategorya o antas ng trabaho:
• Mga Antas D at D Super: 30 araw ng aktwal na trabaho
• lahat ng ibang antas ng domestic job: 8 araw ng aktwal na trabaho
Ang mga araw na bibilangin ay ang aktwal na trabaho. Samakatuwid ay hindi isasama sa bilang ang mga araw ng pista at anumang leave.
Ang kasunduan ng pagsubok o prova ay maaari ding berbal, ngunit kinakailangang nakasulat kung ang tagal o haba ng panahon ng pagsubok ay iba sa itinakda ng batas o ganap na hindi ito susundin.
Ang dalawang parte, o ang employer at worker, ay maaaring magtalaga ng mas mahabang panahon ng pagsubok kaysa sa itinakda ng batas.