Nag-renew ng passport, ngunit hindi pa ito handa sa araw ng convocazione. Paano na ang pagpirma sa contratto di soggiorno?
Pagkatapos maisumite ang aplikasyon ng Regularization o Emersione, ang employer ay kailangang kumpletuhin ang mga kinakailangang hakbang para gawing regular ang employment.
Kabilang na dito ang personal na pagpunta ng employer, o ng kanyang authorized person, kasama ang worker sa araw ng convocazione o appointment, na ipagbibigay-alam sa employer ang petsa at araw sa pamamagitan ng email mula sa Prefettura.
Sa araw ng convocazione ay gagawin ang mahahalagang hakbang tulad ng mga sumusunod:
- pipirmahan ang contratto di soggiorno;
- gagawin ang komunikasyon sa Inps ng rapporto di lavoro at;
- ang pagsagot sa kit para sa releasing ng permesso di soggiorno.
Ngunit maaari bang magpatuloy pirmahan ang contratto di soggiorno kahit wala pang balidong pasaporte ang dayuhan?
Ito ay binigyang-tugon ng Ministry of Interior.
Sa kasong ang dayuhan ay hindi pa nagtataglay ng isang balidong pasaporte sa araw ng convocazione o anumang balidong dokumento ng pagkakakilanlan na may katumbas na bisa tulad ng pasaporte , ang pagpirma sa contratto di soggiorno ay maaaring ipagpaliban sa panahong handa na o hawak na ng dayuhan ang bagong pasaporte (o dokumentong katumbas ng pasaporte).
Ang mga detalye ng balidong dokumento ay mahalaga sa pagpirma ng contratto di soggiorno, gayun din sa mga susunod na hakbang upang makumpleto ang proseso ng employment. (PGA)
Basahin rin:
- Maaari bang magsumite ng aplikasyon ng Regularization kung ang pasaporte ng colf ay expired?
- Naisumite na ang aplikasyon ng Regularization. Ano ang susunod na dapat gawin?