in

Voluntary Resignation o Dimissione Volontaria: Mga Epekto sa Empleyado at Employer

Hindi palaging may forever sa trabaho. Kahit pa may ‘contratto indeterminato’ na, maaaring dumating ang panahon na kailangang tapusin ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at employer. Ang pagre-resign sa trabaho ay may iba’t ibang dahilan—maaaring kusa itong ginawa ng empleyado sa pamamagitan ng voluntary resignation o dimissione volontaria, desisyon ng employer, o napagkasunduan ng parehong panig.
Kung ang empleyado ang magpasyang mag-resign, maaari siyang maharap sa mga disadvantages, habang para naman sa employer, ito ay maaaring maging isang advantage.

Dimissione Volontaria, ang Epekto sa Empleyado

Ang pagbibitiw sa trabaho ay isang mahalagang karapatan ng isang empleyado na nais umalis sa kanyang kasalukuyang trabaho. Kung ang pagbibitiw ay may makatuwirang dahilan o giusta causa (halimbawa, dahil sa hindi makatarungang kondisyon sa trabaho), wala itong negatibong epekto sa empleyado. Ngunit iba ang kaso kung ito ay boluntaryo at walang matibay na dahilan—kung ang empleyado ay umalis nang kusa at hindi dahil sa panggigipit ng kumpanya o hindi makataong kondisyon sa trabaho.

Sakaling may panibagong oportunidad na higit sa mga inaasahan ng empleyado, ay walang magiging problema. Gayunpaman, kung ang layunin ng pagbibitiw ay upang makakuha ng Naspi, ang unemployment benefit sa Italya, tandaan na ang boluntaryong pagbibitiw ay hindi nagbibigay ng karapatan sa Naspi. Ito ang isa sa pinakamatinding epekto ng pagre-resign —dahil mawawalan ng karapatan ang empleyado na makatanggap ng nabanggit na benepisyo.

Dagdag pa rito, kung ang isang empleyado ay malapit nang magretiro, may ilang mga benepisyo sa pensiyon na hindi niya maaaring matanggap kung siya ay kusang nagbitiw. Kabilang sa mga ito ang Quota 41 para sa mga maagang nagtrabaho at ang pensiyon sa pamamagitan ng Ape Sociale, na parehong nangangailangan ng hindi inaasahang pagkawala ng trabaho upang maging kwalipikado para sa Naspi.

Dimissione Volontaria, ang Epekto sa Employer

May mga employer na pinipilit o hinihimok ang kanilang mga empleyado na magbitiw nang kusa, kahit na ang tunay na nais nila ay tapusin ang trabaho. Bakit? Dahil may malaking benepisyo ito para sa kumpanya.

Kapag ang isang empleyado ay natanggal sa trabaho (terminated), ang employer ay kailangang magbayad ng tinatawag na ticket licenziamento—isang bayad na ibinibigay sa INPS (Instituto Nazionale della Previdenza Sociale) upang bahagyang tustusan ang Naspi sa tinanggal na empleyado.

Ang halagang ito ay nakadepende sa haba ng panunungkulan ng empleyado sa kumpanya—mas matagal sa serbisyo, mas mataas ang kailangang bayaran ng employer.

Ano ang Ticket Licenziamento sa 2025?

Ayon sa Legge Fornero, ang ticket licenziamento ay katumbas ng 41% ng maximum na halaga ng Naspi. Ayon sa pinakabagong circular ng INPS (Circular No. 25, Enero 29, 2025), ang maximum na halaga ng Naspi ngayong taon ay € 1,562.82 bawat buwan.

Dahil dito, ang ticket licenziamento para sa taong 2025 ay € 640.76 para sa bawat taon ng serbisyo ng empleyado. Kung mas mababa sa isang taon, ito ay kinukwenta sa halagang €53.40 bawat buwan ng serbisyo.

Gayunpaman, may itinakdang maximum cap ang bayad na ito. Para sa taong 2025, ang pinakamataas na halaga na maaaring bayaran ay €1,922.28, na naaangkop sa mga empleyadong may higit sa 3 taon sa kumpanya.

Kapag ang isang empleyado ay boluntaryong nagbitiw, hindi kailangang bayaran ng employer ang ticket licenziamento—kaya naman maraming employer ang humihimok sa mga empleyado na mag-resign nang kusa upang maiwasan ang bayarin.

Mga Bagong Alituntunin sa 2025

Sa nakaraan, may mga pagkakataon kung saan ang isang employer ay nag-uudyok sa empleyado na magbitiw at pagkatapos ay tutulungan itong makahanap ng panibagong trabaho sa loob lamang ng ilang linggo. Sa ganitong paraan, matapos ang maikling panunungkulan sa bagong trabaho, maaari nang muling humiling ang empleyado ng Naspi, gamit ang pinagsamang panahon ng kanyang dating trabaho.

Dahil dito, parehong nakikinabang ang employer at ang empleyado—ang employer ay nakakatipid sa ticket licenziamento, at ang empleyado ay nakakakuha pa rin ng benepisyo sa kawalan ng trabaho.

Subalit, sa taong 2025, ipinatutupad ang bagong patakaran: ang bagong trabaho pagkatapos ng pagbibitiw sa pinakahuling trabaho ay dapat tumagal ng hindi bababa sa 3 buwan upang ito ay mabilang para sa Naspi.

Ang isa pang mahalagang aspeto ng boluntaryong pagbibitiw ay ang preavviso. Katulad ng isang employer na kailangang magbigay ng paunawa bago magtanggal ng empleyado, kinakailangan ding sundin ng empleyado ang itinakdang preavviso bago tuluyang umalis sa trabaho.

Ang haba ng preavviso ay nag-iiba depende sa settore, sa CCNL (Contratto Collettivo Nazionale di Lavoro), at sa tagal ng serbisyo ng empleyado.

Kung ang empleyado ay nagbitiw nang hindi sumunod sa itinakdang paunawa, maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa sahod, gaya ng bawas sa huling suweldo o TFR (Trattamento di Fine Rapporto). Ang mga detalye ng posibleng negatibong epekto ay nag-iiba depende sa kontrata ng bawat sektor.

Samakatwid, ang boluntaryong pagbibitiw ay isang mahalagang opsyon para sa isang empleyado na nais lumipat ng trabaho o umalis sa kasalukuyang kumpanya. Gayunpaman, may mga panganib itong kaakibat, lalo na sa pagkawala ng Naspi at iba pang benepisyo sa pensiyon.

Para naman sa employer, ito ay isang pagkakataon upang maiwasan ang pagbabayad ng ticket licenziamento, kaya’t may mga pagkakataong hinihimok nila ang kanilang empleyado na kusang magbitiw.

Dapat tandaan na sa taong 2025, may mga bagong regulasyon na naglalayong pigilan ang mga nakasanayang nagbibigay-daan sa tila pang-aabuso, tulad ng pagpapatagal ng minimum na 3 buwan bago muling makapag-apply ng Naspi.

Sa ganitong konteksto, mahalagang lubusang pag-isipan ng isang empleyado ang magiging epekto ng kanyang desisyon bago magbitiw sa trabaho.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 1]

Bonus sa Kuryente, Gas, at Tubig para sa 2025

Ora legale 2025, malapit na!