Simula bukas, Dec 28, 29, 30 at January 4 ay sasailalim sa zona arancione o partial lockdown ang bansa.
Ito ay nangangahulugan na mababawasan ang mga restriksyong ipinatupad simula Dec 24 hanggang Dec 27.
Narito kung kailan kakailanganin ang Autocertificazione
CURFEW
Sa mga araw ng zona arancione ay nananatili ang curfew mula 10pm hanggang 5am. Tanging ang dahilan ng trabaho, kalusugan at pangangailangan lamang ang pinahihintulutan. Sa pagkakataong ito ay kakailanganin ang Autocertificazione.
Ito ay kakailanganin din sakaling lalabas ng sariling Comune o Rehiyon sa pagkakaroon ng dahilang pinahihintulutan lamang ng batas.
PAGBISITA NG KAMAG-ANAK O KAIBIGAN
Sa updated FAQs sa website ng gobyerno ay nasasaad din ang pahintulot na bisitahin ang kamag-anak o kaibigan.
Sa mga araw ng arancione, hanggang 2 katao ay maaaring bisitahin ang kamag-anak o kaibigan, kahit sa ibang Comune, sa kundisyong nasa parehong rehiyon. Ang mas bata sa 14 anyos at may kapansanan ay hindi kasama sa bilang.
Bukod dito ay maaari ding magpunta ng ibang Comune, kung ang Comune kung saan naninirahan ay may populasyong mas mababa sa 5,000. Ngunit ito sa loob lamang ng 30 km mula sa tirahan, ngunit hindi sa capoluogo ng provincia.
Ipinapayo ang pagdadala ng Auticertificazione.
PAGBALIK NG SARILING TAHANAN
Ang pagbalik sa sariling tahanan, mula sa pagbisita sa kamag-anak ay kailangan nasa pagitan ng oras na 5am hanggang 10pm. Tandaan na ang tanging mga dahilan ng sirkulasyon mula 10pm hanggang 5am ay ang trabaho, kalusugan at pangangailangan. (PGA)