in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA CERVICAL CANCER

altAng cervical cancer ay isang uri ng kanser na nabubuo sa panloob na sapin o balot (tissues) ng sipit-sipitan (cervix) ng mga kababaihan. Ang cervix ay ang sugpungan ng loob na bahagi ng ari ng babae (vagina) o ang nagsisilbing bukana ng puwerta at ng matris o bahay-bata (uterus). Dito dumadaan ang sanggol na ipinapanganak.

Hindi gaya ng ibang uri ng kanser, mabagal ang pag-unlad ng kanser sa cervix at umaabot ng ilang taon. Ang kanser na ito ay tinatayang pangalawa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga kababaihan sa Pilipinas. Nanganganib ang mga babaeng nakikipagtalik: bago maging 18 taong gulang, mga may edad na, at sa mga babaeng nagkaroon ng katalik na lalaki na sumiping sa higit sa isang babae. Nanganganib din ang mga babaeng may resulta ng Pap test na di-pangkaraniwan, mga naninigarilyo, at mga kasalukuyang ginagamot sa sakit na Sexually Transmitted Disease (STD), may kasaysayang personal ng Chlamydia, gonorrhea o syphilis at ang mga nasurian na may sakit na HIV/AIDS.

Sintomas:

Nagsisimula ito sa pagkakaroon ng precancerous na pagbabago sa mga selyulo o cells sa cervix na sanhi ng human papillomavirus o HPV. Ito ay isang pangkaraniwang uri ng virus na tumatama sa kapwa babae at lalake, at ang ilang uri nito ay hindi naman nagpoprogreso sa kanser. tanging ang HPV 18 at HPV 19 ang strain na napatunayang maaaring humantong sa kanser.

Mahirap matuklasan ang karamdamang ito sapagkat ang mga sintomas nito ay katulad ng mga iba pang karamdaman. Kalimitan pa nga ay halos walang sintomas na makikita sa taong nagtataglay ng kanser sa cervix. Kung sakaling may mga sintomas, lilitaw lamang ang mga ito sa oras na ang kanser na ito’y nasa mas mataas na bahagdan na ng pag-unlad.

i)Di karaniwang pagdurugo ng ari . May mga pagdudurugong nagaganap kada-buwan na maaaring matindi o kaunti lamang. Ito ay kadalasan sa pagitan ng buwanang dalaw.

ii)Maramihang paglalabas ng likido sa ari. Nagiging di pangkaraniwan din ang paglalabas ng likido ng ari ng taong may cervical cancer. Kadalasang ang likido ay may di kaaya-ayang amoy, malabnaw o di kaya’y malapot na parang may kasamang sipon.

iii)Pananakit ng balakang. Isa pang sintomas ay ang pananakit ng mga buto sa balakang. Karaniwan ng sumasakit ang balakang ng babae tuwing sila ay may buwanang dalaw, ngunit ang taong may kanser ay maaaring makaramdam nito kahit na wala silang regla. Nag-iiba ang tindi ng sakit sa bawat babae, may madaling maibsan, samantalang may iba naman na tumatagal ng ilang oras ang nararamdamang kirot.

iv)Masakit na pag-ihi. Kagaya ng mga sakit sa bato (kidney), maaari ring sumakit ang pantog (urinary bladder) ng taong may ganitong uri ng kanser. mararamdaman lamang ito kapag ang kanser ay kumalat na sa pantog.

v)Pabugso-bugsong pagdurugo. Ang taong may ganitong karamdaman ay maaari ring makaranas ng mga di-pangkaraniwang pagdurugo – sa pagitan ng buwanang dalaw, pagkatapos ng pagtatalik, o matapos ng pagsusuri ng cervix. Nangyayari ito sapagkat nagiging sensitibo at makati ang cervix pag ito ay natatamaan.

Pag-iwas at medikasyon

Ang cervical cancer ay maituturing na isa sa mga uri ng kanser na maaaring maagapan o di kaya’y maiwasan. Ang mga posibleng lunas ay depende sa antas ng sakit, sa edad at kalusugan ng pasyente.

 i)Dalasan ang pag-Pap smear. Ang Pap smear ay masasabing isa sa pinaka-epektibong depensa laban sa kanser sa cervix. Ito ay isang gynecological exam na ginagawa upang matuklasan kung may pagbabago sa pag-unlad ng selyulo sa cervix. Ang pasyente ay papahigain at ikakawit ang paa sa estribo upang maiposisyon ang balakang nito. Gamit ang speculum na ipinapasok sa ari ng babae ay bahagyang naibubuka ito upang magkaroon ng maluwag na daanan sa loob nito. Ang loob ng ari ay dahan-dahang kakayurin gamit ang wooden o plastic spatula at maliit na brush upang makakuha ng ilang cell sample. Ang nakuhang selyulo naman ang siyang gagamitin upang suriin. Ayon sa pag-aaral, sa tulong ng Pap smear ay nababawasan ang dami ng mga taong nagkakaroon ng cervical cancer.

ii)Bawasan ang dami ng nakakatalik. Batay sa pag-aaral, tumataas ang tyansa na magkaroon ng ganitong kanser ang mga kababaihang may iba’t ibang katalik. Kung hindi maiiwasan ay gumamit na lamang ng proteksyon nang sa gayon ay mabawasan din ang peligro na makatamo ng HPV at HIV.

iii)Kumuha ng HPV vaccine. Sa mga kababaihang edad 27 pababa, sila ay maaaring makakuha ng HPV vaccine na tumutulong upang ang panganib na sila ay magkaroon ng delikadong strain ng Human Papillomavirus. Isang vaccine, ang Gardasil, na sinang-ayunan naman na maaaring ibigay sa mga batang edad 9. ito ay higit na mabisa kung maibibigay sa mga batang babae hangga’t hindi pa sila aktibo sa pagtatalik.

iv)Ang Hysterectomy ay ang pag-oopera upang alisin ang cervix at matris para malunasan ang cervical cancer na nag-uumpisa pa lamang.

v)Ang malalang kanser  ay dapat bigyan ng mas masidhing lunas sa pamamagitan ng radiation therapy, chemotherapy, at hysterectomy.

Sa pamamagitan ng pagpapa-Pap test bawat taon ay binibigyan ninyo ng halaga ang inyong kalusugan. Ipagbigay alam sa mga babaeng kaibigan at kamag-anakan na magpakuha ng Pap test.

Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari pang magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makapagbibigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

altAng FNA-Rome ay isang independent, non-commercial, non-profit, non-partisan, non-sectarian volunteer organization. Ang pagkuha ng blood pressure at blood sugar/cholesterol test ay kabilang sa mga serbisyong ibinibigay namin tuwing medical outreach. Kung nais ninyong magpa-schedule ng outreach para sa inyong organization o community, pakitawagan lamang sina Gng. Julia Garzon- Ferrer, FNA Secretary, sa numerong 3270885838 at si Bb. Nenette Vecinal, FNA Assistant Secretary, sa numerong 3295371278 para mapag-usapan at mai-schedule ito. Maraming salamat po.   

                   

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 2]

Ang mga kulay sa buhay natin

MARONI: Italya, iniwang nag-iisa ng Europa sa pagharap sa emerhensya