in ,

NCCA Chairman Virgilio Almario tinalakay ang kulturang Pilipino sa mga Filcom leaders sa North Italy

Mainit na sinalubong ng Filipino Community leaders of North Italy si National Commission on Culture of the Arts, Chairman Virgilio Almario sa kanyang pagdalaw sa Milan, matapos manggaling sa Venice, Italy para sa 16thBiennale Architecture Exhibit, na kung saan nakasama din ang bagong talagang Milan Consul General Susan Irene Natividad, Rome Ambassador Domingo Nolasco, Senator Loren Legarda at iba pang mga personalidad.

Kasama sa kanyang plano ang pagtulak sa Milan upang kausapin ang Filipino Community. Layunin niya ang pagtalakay sa kultura ng Pilipinas.

Kaugnay nito, ipinagmalaki din ng FilCom at maging ng Milan Philippine General Consulate ang pagkakaroon ng Sentro Rizal library. Ito ay upang ipamulat sa mga kabataang Pilipino na ipinanganak sa Italy na basahin ang mga aklat at panoorin maging ang mga video documentations na may kinalaman sa kultura ang Pilipinas.

Sa Sentro Rizal library ay makikita at mababasa ang iba’t ibang aklat na pambata sa tagalog, at mayroon din mga references tulad ng turismo sa Pilipinas at iba pang mga libro hinggil sa kasaysayan at mga bayani ng Pilipinas.

Noong isang taon pa akong iniimbitahan ng kunsulado para kausapin ang Filipino Community at para makita na rin ang Sentro Rizal dito…. Ang nangyayari ata ay nasasakop na natin ang buong mundo dahil sa mga overseas workers, natutuwa din ako kung bakit sila (OFW) ay masaya, at alam ko sa kanilang spiritu na bukod sa kanilang paghahanp buhay ay napakalaki ang naitutulong nila sa ekonomiya ng bansang Pilipinas”, ani Chairman Almario.

Sa pagharap ni Chairman Almario sa Filcom leaders, tinalakay niya ang kahalagahan ng kulturang Pilipino. Una rito ay ang pagsasalita ng wikang pilipino na aniya ay bahagi ng ating kultura at kapag nakumbinsi ang mga Pilipino sa ibayong dagat na pag-aralan ang sariling kultura ay siguradong mamahalin ng bawat pilipino ay ang sariling wika.

Bukod dito ay sinabi ni Philippine Consulate General in Milan Consul Mers Mellejor na ang Sentro Rizal library ay matatagpuan sa kanilang tanggapan at hinihayat niya ang mga Pilipino lalo na ang mga ipinanaganak sa Italya na mayroong mga references tungkol sa kultura ng Pilipinas.

Meron tayong maliit na espasyo para sa Sentro Rizal library, kaya meron tayong limitasyon dahil sa espasyo, ang gagawin natin ay sa pamamagitan ng appointment system, na magkakaroon ng advance planning kung sino ang gustong pumunta sa oras na maluwag ang atin mga kababayan, kaya bukas ito mula lunes hanggang biyernes”, wika ni Consul Mellejor

Ayon kay Amanda Monje, isang cultural worker hindi sapat lamang ang pagkakaroon ng isang library kundi ang pagkakaroon ng isang pagtitipun tipun upang talakayin at intindihin mabuti ang kultura ng Pilipinas, at maliban sa mga references ay mayroon ding magtuturo sa kanila.

Hindi lamang para sa mga kabataan kundi pati na rin sa mga filipino senior citizens dito sa Italya. Ayon kay Nonieta Adena ay dapat malaman din ang tunay na kahalagahan ng ating kultura kasama na rin ang wikang pilipino at handa siya kasama ang kanyang grupo na ituro ang mga bagay na ito sa ating mga kababayan.

Lalo pang nabigyan ng pag-asa ang Filcom leaders na dumalo sa naturang pagpupulong kay Chairman Almario dahil susuportahan ng National Commission and Culture for the Arts ang promosyon ng kulturang Pilipino sa Italy at handa rin tumulong ang sangay ng Philippine Consulate General in Milan at pag-usapan muli sa pamamgitan ng isang pagtitipon kung saan maguumpisa ang pagpapalawak at  pagtuturo sa kahalagahan ng kultura ng Pilipinas.

 

Chet de Castro Valencia

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Barrio Fiesta sa ikalawang taon!

Lucas Nathaniel, pinarangalan bilang “Little Ambassador of Peace”