in

PCG Milan Mobile Services sa Bologna, may OAV info drive din

Nairaos ang dalawang araw na Mobile Consular Service  ng PCG Milan sa Bologna nitong ika-13 at 14 ng Abril, 2019 sa pamamahala ni Consul Mersole Mellejor kasama ang buong Consular Staff at officers ng attached agencies gaya ng POLO-OWWA, SSS at Pag-IBIG.

Ang pangangasiwa naman sa lugar at pagsasa-ayos ng mga amenidad para sa aplikasyon at renewal ng pasaporte at pagkuha ng mga dokumento ng mga kababayan ay mula sa bolunterismo ng mga asosasyon sa ilalim ng Federation of Filipino Associations ng Bologna o FEDFAB, sa pamumuno ni Ben Cesario, kasama ang iba pang boluntaryo mula sa APO Bologna at FilCom volunteers for OAV.

Sa idinaos na consular service, naging kapansin-pansin ang mataas na bilang ng mga nagnanais na makapagpanibago ng kanilang pasaporte, na ngayon ay balido na ng 10 taon, mga pumila para sa membership renewal ng OWWA, at para sa  update and payment para sa SSS at Pag-ibig. Maging ang pagpapa-ayos ng mga dokumento gaya ng report of birth, SPA, dual citizenship, NBI clearance at iba pa ay marami ang nakakuha.

Isang partikular na napansin ay ukol sa membership para sa OWWA, na may ilang kaso ng di napahintulutan dahil sa kakulangan ng mga dokumentong hinihingi gaya ng pasaporto at carta di identita; kahit na alin sa mga sumusunod – sertipikato ng pagtatrabaho, kontrata, INPS Bolletino, o busta paga; ang old receipt ay optional lamang. Base sa dating polisiya na resulta ng resolusyon mula sa dayalogong naganap sa pagitan ng OFW Watch at Konsulato ng Milan kasama ang POLO-OWWA noong nakaraang taon, na ang manggagawa na may alin man sa mga proof of employment ay maaaring ma-renew o makapag-apply ng membership, maging ang mga pensionado, walang dokumento at may lavoro nero, basta may kaukulang sertipikato mula sa employer, ay tatanggapin bilang miyembro. Ang mga miyembrong nagbago ng trabaho at employer ay hihingan ng mga kaukulang dokumento para sa record purposes.

Mayroon ding nagpahayag ng kanilang opinyon ukol sa notaryo ng SPA na one copy-one payment policy  para sa mga home loan applicants na dati ay tatlong kopya umano na may isang cover letter na may red ribbon, at ang bawat kopya ay para sa aplikante, sa attorney-in-fact at sa developer or bangko. Sa ngayon ito umoano ang direktibang umiiral, bagay na dagdag-pahirap din sa mg OFW dahil sa malaking halaga na ilalaan para dito.

Isa pang mahalagang gawain na sana ay naisakatuparan ay ang OVERSEAS ABSENTEE VOTING na nakapanghihinayang at di napahintulutan na maisagawa sa loob ng mobile consular service, gaya ng nakaraang halalan noong taong 2016. Ang POSTAL VOTING lamang ang siyang isasagawa bukod sa pagtungo nang personal sa Konsulato ng Milan o Embahada sa Roma para ibigay ang ballot packet. Ang mga boluntaryo mula sa Filipino community na nabigyan ng awtoridad ng COMELEC ay nagkasya na lamang sa pagpapaliwanag ng postal voting sa mga botante na nagtungo sa lugar ng consular service at namigay ng mga info sheet sa paraan ng pagboto. Ang canvassing ng mga boto ay magaganap sa Konsulato sa ika-13 ng Mayo, 2019. Ang mga Filcom Volunteers ay maaaring magtungo sa Konsulato upang personal na makapagmasid sa gagawing pagbibilang. Noong ika- 8  ng Abril ay nagkaroon ng final testing ng mga vote counting machines (VCM) na sinaksihan ang dry run nito ng mga Filcom volunteers at ng accredited media persons. Ang update naman ng mga postal mailing address ng mga botante ay magtatapos ng ika-15 ng Abril.

Ang susunod na pagdaraos ng mobile consular service sa Bologna ay sa buwan na ng Setyembre, ika-7 at 8. Isang pagbabago din sa dating tatlong beses na pagdaraos nito sa malaking siyudad gaya ng Bologna.

 

 

Dittz Centeno-De Jesus

Gyndee Photos

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoy, maaari bang mag-aplay ng ‘nulla osta pluriennale’ ng Decreto Flussi?

Aplikasyon ng Decreto Flussi 2019, simula ngayong araw!