Magdidiwang ng bukod sa masaya ay masaganang pasko ang isang caregiver na Pilipino na nakipagsapalaran at nanalo ng “megamiliardario”.
Firenze, Disyembre 20, 2013 – Kinumpirma ang pagkakapanalo ng isang Pinoy ng 1 million euros buhat sa kilalang “mega miliardario” ng Edicola – Tabacchi owners kahapon.
Ayon sa kwento nina Enrica at Claudio Dozza, nagma-may ari ng Edicola-Tabacchi sa Via Nazionale 60, ang swerteng Pinoy ay bumili ng ‘gratta e vinci’ isang linggo na ang nakakaraan. Matapos manalo ng 10 euros ay hindi nawalan ng pag-asa ang caregiver at ipinalit ang napanalunan ng isa pang ‘gratta e vinci’. Pagkatapos ng muling pakikipag-sapalaran, namutlang bigla ang Pinoy at nagbulungan ang mga katabing nakikipagsapalaran: ha vinto! Isang bagay, gayunpaman, na nag-iwan ng palaisipan kung ano at magkano ang napanalunan dahil umalis ang Pinoy at nilisan ang lugar.
Hanggang kahapon, ng dumating sa Edicola-Tabacchi ang Diploma della fortuna kung saan nasusulat ang «Vinti 1.000.000 euro qui» ay usap-usapan pa rin kung sino ang tunay na sinuwerte. Samantala, sa kahabaan ng pila ng mga nakikipag-sapalarang manalo rin, isang Pilipina ang biglang sumigaw ng “Sya, sya ang nanalo. Narito rin ako nooong araw na iyon, ilang beses tiningnan ng Pinoy ang kanyang card at sa kanyang paglabas ay halos mahimatay, sumandal sa isang pader at kinuha ang telepono”.
Sa kabilang banda, di pangkaraniwan ang lumabas ng bahay ng may kakaunting barya sa bulsa at pag-uwi naman ay 1 milyon na ang dala!