Ako ay isang Pilipina at ang aking asawa ay isang Italyano. Nalalapit na ang renewal ng aking carta di soggiorno, ngunit kaming mag-asawa ay hindi magkasamang naninirahan sa iisang bahay dahil sa aming trabaho. Magiging problema po ba ito?
Abril 16, 2015 – Ang carta di soggiorno per familiari di cittadini UE o ang carta di soggiorno para sa miyembro ng pamilya ng isang EU national ay ibinibigay sa mga non-EU nationals na ikinasal sa isang EU national o sa mga miyembro ng kanyang pamilya (anak hanggang 21 anyos, magulang at ibang dependents).
Ito ay ayon sa D. Lgs. 30 ng 2007, na kinilala sa Directive n. 2004/38/EC (ito ay tumutukoy sa karapatan ng mga EU nationals at ng mga miyembro ng kanilang pamilya sa malayang pag-ikot at paninirahan sa mga Member State) at hindi lamang ang D. Lgs. 286/98, ang Batas sa Imigrasyon (Testo Unico sull’Immigrazione).
Ang D. Lgs. 30/2007 ay ipinatutupad rin maging sa mga miyembro ng pamilya ng non-EU nationals at samakatwid, ay hindi lamang sa mga EU nationals, at higit na mainam kaysa sa nasasaad sa D. Lds. 286/98.
Ito ay mahalaga dahil kung ang ipatutupad ay ang Batas sa Imigrasyon, ang pagsasama ng mag-asawa ay isang kundisyon para sa releasing ng carta di soggiorno sa maybahay ng Italyano. Ang hindi pagsasama, sa katunayan, ay isang dahilan ng pagpapawalang bisa o hindi pagre-renew sa nasabing dokumento.
Para sa renewal ng carta di soggiorno per familiari di cittadini UE ay walang anumang obligasyon ng paghahayag ukol sa pagsasama ng mag-asawa na dapat gawin sa Questura. Nararapat lamang suriin nito kung ang kasal ay huwad, ngunit walang karapatang suriin kung paano namumuhay ang mag-asawa.
Ang aplikante para sa releasing o renewal ng carta di soggiorno bilang asawa ng isang mamamayang italyano, ay kailangan lamang patunayan ang pagiging asawa nito, sa pamamagitan ng mga dokumento tulad ng marriage certificate o ang family composition certificate.
Sapat nang ilakip ang mga sumusunod na dokumento sa aplikasyon sa Questura:
a) kopya ng pasaporte o katumbas na dokumento;
b) dokumento na nagpapatunay ng kasal o ng relasyon;
c) larawan.
Ang asawa ng isang mamamayang Italyano o ng EU National, ay may karapatan sa renewal ng carta di soggiorno kahit na hindi nagsasama ang dalawa. Ito ay isang prinsipyong kinumpirma ng batas.
Kahit na totoong hindi na nagsasama ang mag-asawa matapos ang ilang taon ng kasal na pinatotohanan ng mga dokumentasyon na ibinigay sa non-EU na asawa, ito ay hindi magiging kundisyon para sa renewal ng dokumento dahil ang kasal ay hindi isang panloloko o huwad.
Ang pagsasama ng mag-asawa ng higit sa limang taon ay nagpapahintulot rin sa pagkakaroon ng permanent residence nito batays sa art. 14 d. lgs. N. 30/2007, maliban na lamang sa sumusunod na kundisyon: sumakabilang buhay, umalis ang EU National, paghihiwalay o diborsyo at ang pagpapawalang bisa ng kasal.
ni: Atty: Mascia Salvatore
isinalin sa tagalog ni: Pia Gonzalez-Abucay