WELL REPRESENTED (kung ituturing sa heyograpikong pinagmulan) ang Executive Leadership Training ng POLO-OWWA AT PILIPINAS-OFSPES na dinaluhan ng mga iba’t ibang FILCOM Leaders and Representatives na nagmula pa sa iba’t ibang Rehiyon at Probinsya ng Gitna at Timog Italya noong ika-7 ng Marso taong kasalukuyan sa Basilica Parrocchiale Salesiana “Sacro Cuore di Gesu a Castropretorio – Via Marsala, 42 Roma.
Ang isang araw na training na kinapalooban ng evaluation of leadership at leadership experiences ay dinaluhan ng mga leaders mula sa Sardegna, Reggio Calabria, Roma, Tuscany, Abruzzo, Campania at marami pang iba. Naging Resource Speaker ng nasabing importanteng pagtitipon ang respetadong trainor na si Dr. Juan A. Kanapi ng Ateneo School of Government . Isa rin siya sa mga kumikilala at nagtataguyod ng mga training sa mga nagiging successful na NGO’s sa Pilipinas. Layunin ng nasabing pagsasanay ang kilalanin ang kakayahan ng bawat FILCOM Leaders at mapalakas ang ugnayan ng bawat leader sa Italya nang sa ganoon ay mapadali ang pagkakaroon ng access of impormasyon at resources ng bawat isa.
LEADER vs MANAGER
Matapos ang unang bahagi ng sesyon, ang pagpapakilala ng mga bawat kinatawan hinggil sa lugar kung saan matatagpuan ang kanilang grupo at ang kanilang ginagampanan sa Filipino Community, inumpasang talakayin ni Propesor Kanapi ang pagkilala sa isang Leader at Manager at ang kaibahan nito sa isa’t isa. Naging pambukas kaisipan ito sa marami lalo na’t ng kanyang linawin na may magagaling na leader ngunit hindi magaling na manager or vice versa. Na lalo’t kung ipagpipilitan din lang naman na gampanan ay magiging problema lamang ito ng Asosasyon or grupo. Sa halip kung sakaling hindi makayanang baguhin ang stilo, mas makabubuting tanggapin na lamang ang kanyang limitasyon at ipa-ubaya sa mas may kakayahan nito ang nasabing tungkulin. Mahalagang natalakay din ang mga kakayayahan o naging puhunan ng mga dumalo kung bakit sila unang pinakinggan ng kanilang mga miyembro. At karamihan sa mga dumalo ay nagkaroon ng break na pakinggan ng tao dahil sa kanilang mga kaugnayan o ginampanan sa panrelihiyong gawain ng kanilang mga komunidad.
HUWAG (tayong) MAGPATAYAN NG ORGANISASYON. MAGTULUNGAN TAYO SA PAGPAPALAGO NITO.
Malaking paghamon sa lahat ng mga Leader ang naging pahayag ni Welfare Officer Ann Gregorio tungkol sa karanasan ng pagbuo at pagkakaron ng sigalot ng mga FILCOM sa Italya. Kadalasan, sa halip na harapin ang win-win solusyon sa tuwing may problema ang anumang asosasyon, umaabot ito sa pag bi-break-away ng grupo na humahantong sa pagbubuo na panibagong grupo na may kimkim na galit, sama ng loob AT layuning siraan ang grupong inalisan. At ito ang nagiging dulot ng kawalan ng pagkakaisa ng bawat grupo at kooperasyon. Kung kaya nga’t sa bahagi ng OWWA-POLO at sa serbisyo nito, hindi lang OWWA Membership at benipisyong pagpapauwi ang kanilang ginagampan para sa mga OFWS. Ayon sa kanila, Training at Value Formation din ang kanilang ginagampanan para sa manggagawa sa ibayong dagat. Kaugnay din dito ang pagpapakila sa bagong Labor Attache na si Labatt Chona Mantilla.
MAGING BUKAS SA IBA PANG OPORTUNIDAD at KILALANIN ANG GALING NG PINOY
Patuloy ang PILIPINAS-OFSPES ( Overseas Filipinos Society for the Promotion of Economic Security) sa pagtataguyod at pagtulong sa mga Pilipino partikular sa Italya na magkaroon ng lakas ng loob na harapin ang mga bagong oportunidad at matutong kilalanin ang mas mahusay at magaling na Pilipino. Kailangang patuloy na pangarap. Harapin ang mga bagong oportunidad. (Hindi ang mag trabaho ng sa bahay lamang). Kung kaya naman, patuloy ang pagsasagawa ng OFSPES ng mga Leadership ang Social Entreprenuership Training Program for Migrants sa tulong ng Ateneo School of Governments.
PAGTATAPOS
Pinagkalooban ang bawat isa ng Certificate of Attendance sa pagtatapos ng buong araw na training – ng may paghamon at paghahangad na ipagpatuloy ang collaboration ng bawat isa. At isang mungkahi ng mula sa Confed ng Tuscany, “Puede bang sa Florence ganapin ang susunod na Leadership Training? Then we go to Cagliari or in Napoli…. At ang lahat ay sumagot… Why not? Basta’t may Resource Person na kasing galing ni DR. Juan Kanapi.” To all Leaders… hanggang sa muli! (Elmer Orillo)