Upang muling ibalik ang nakagawian at napagkasunduang pagpupulong ng mga leaders sa Roma, isang Forum ang inorganisa ni Labor Attache Chona Mantilla ng POLO sa Embahada noong ika-18 ng Pebrero.
Ang layunin ng pulong ay pag-usapan ang POLO-OWWA update, Mandatory Membership Republic Act 9679, Screening Program, at PIDA – Independence Day at ang opisyal na paghahayag sa paglisan ni Welfare Office Andrelyn Gregorio at Jaybee Vicente ng POLO.
Sina Minister & Consul General Danilo Ibayan, ang kasalukuyang Charge de Affairs ng Embahada at Consul Kristine Salle ay naging gabay nang araw na iyon. Sa umpisa ng pagpupulong sinabi ni Ibayan na siya’y natutuwa sa patuloy na pagsuporta at pakiisa ng mga Filipino leaders sa mga gawain ng embahada at ang ganitong pagpupulong ay lugar kung saa’y naibabahagi ang mga ideya at concern para sa mga OFWs.
Dumalo rin sa forum si Atty. Labo ng Pag-ibig, information officer mula pa sa Milano upang ibalita na mula pa noong ika-1 ng Enero 2010, ang Mandatory Coverage under Republic Act 9679 ng Pag-ibig Overseas Program ay ipinapatupad na. Ipinaliwanag naman ni Mr. Tony Carillo, ang representative ng POP Rome, ang nasabing Mandatory sa tulong ni Labo.
Sa pulong na ito ay nabigyan rin ng pagkakataon na maipakilala ang proyektong Programma di Screening sa pamamagitan ni Ms. Barbara ng ASP Lazio at ng inyong lingkod bilang cultural mediator. Ang programang ito ay para sa mga kababaihang migrante at ang layunin ng ASP kasama ng ASL RMA, C, D at E ay magbigay ng impormasyon tungkol sa PAP Smear at PAP Test mismo sa lugar na kung saan ay kalimitang nagkikita-kita ang mga dayuhang babae.
Malungkot namang tinanggap ng mga leaders ang balitang uuwi na rin si Welfare Officer Andrelyn Gregorio at Jaybee Vicente ng POLO sa Marso. Mabigat umano’ng tanggapin na si Ms. Gregorio, ang masipag, mabait, approachable, hands on at kaibigan ng lahat ay aalis na at muling papalitan ng bagong Welfare Officer. Ang tanong pa nga ng mga leaders, “Bakit naman ang dali ng term ni Ma’am Ann, ibig ba sabihin na panibagong pakikipagkilala at panibagong pakikisalamuha sa darating na taga OWWA?”. (Liza Bueno Magsino)