Nagsumite ng kahilingan sa Ministry of Foreign Affairs ng Italya ang Embahada ng Pilipinas sa Roma para ibalik sa dati ang pagrehistro ng pangalan ng mga Pilipino sa italian documents.
Sa nasabing komunikasyon, hinihiling ng Emabahada na tanggalin ang middle name upang lutasin ang pagkalito sa pagkumpila ng mga dokumento at itulad ito sa paraan ng pagsulat ng mga italyano sa pangalan at epelyido.
Apat na taon ng nagtatrabaho sa Roma bilang domestic helper si Antonia Tilo, 47 anyos. Dahil hindi tugma sa computer files ng italian institution ang dati niyang pangalan na naka-register, kinailangan niyang kumuha ng certification sa embahada.
Ayon kay Tilo, “ Kailangan ko ‘yung card ko sa doktor ko, naiwan ko yung card ko but then hawak ko yung codice fiscale ko kasi yung sa codice ko naka-attach yung aking middle name ayaw nilang i-honor na ako din yung tao na yun kasi di nila mahanapan yung record na ‘yon.”
Dahil sa problemang kinaharap ng mga mga Pilipino sa Italya, binigyang aksyon agad ng pasuguan ng embahada na isaayos at solusyunan ang lumalalang problema at umaasang maipatupad ang kanilang kahilingan.
“Ang Embahada po officially ay nagrequest na sa Italian ministry of foreign affairs para i-discontinue yung practice ng paglalagay na ‘yung middle name ay inilalagay sa given name,” – ang pahayag ni Minister and Consul General Danilo Ibayan sa panayam.
Nilinaw naman ni Liza Bueno Magsino, cultural mediator ng Centro Servizi Per L’Immigrazione at editor-in-chief ng Ako Ay Pilipino, na sa kaniyang pakikipagpulong kay Ibayan at Ambassador Manalo, malinaw na sinabi ng mga opisyales ng Embahada na hindi daw maapektuhan ang dati nang naninirahan sa Italya at ang patakarang ito ay para lamang sa mga bagong dating sa bansa at mga batang Pinoy na ipanganganak pa lamang.
Aniya, “ Sa mga bagong darating sa Italya, ‘yun pong mga bagong ipanganganak , yun pong nag-file ng sanatoria, at pagpasok po dito sa Italya sa pamamagitan ng direct-hire at petisyon lamang ang susunod sa patakarang nais ipatupad ng Embahada. Manatili daw po an gating middle name sa ating passport.”
Idinagdag pa ni Magsino na kahit may pagbabago, mananatili pa rin na nakasulat ang middle sa passport, wala daw mababago ditto at sakali man na mangailangan ng certificate o affidavit, ito’y libreng ibibigay ng Embahada.
Hinihintay na lang Embahada ang tugon ng gobyernong Italya at umaasa silang mapagbibigyan ang kanilang kahilingan sa lalong madaling panahon. (Diego Evangelista)