Ang menopos o menopause (sa ingles) ay ang huling panahon ng pagkakaroon ng buwanang daloy (regla) at natural na bahagi ng buhay ng bawa’t babae. Ito ay nangangahulugan ng katapusan ng mga taon ng panganganak ng isang babae, katulad din ng unang panahon ng pagkakaroon ng regla, ay nangangahulugan ng simula nito. Karamihan sa mga kababaihan ay dumarating sa menopos sa pagitan ng edad na 45 at 55.
Ang mga sintomas ng menopos ay maaaring magsisimula nang unti-unti sa loob ng 2 hanggang 6 na taon bago maganap ang pinakahuling panahon ng pagkakaroon ng regla. Ito ay tinatawag na perimenopos – mula sa panahon na maging iregular ang pagkakaroon ng regla hanggang sa unang taon matapos ang huling panahong iyon.
Hindi lahat ng babae ay magkakaroon ng sintomas ng menopos. 20 porsiyento ng mga babae ay walang sintomas, 60 porsiyento ay mayroong bahagyang mga sintomas, at 20 porsiyento ay may malubhang mga sintomas.
Ang maagang (di pa panahon) menopos ay sumasapit bago ang edad na 40. Ito ay maaaring mangyari nang natural kapag tumigil na sa paggana ang obaryo, o dahil sa operasyon kung saan ang isang babae ay inalisan na ng mga obaryo, o dahil sa kemikal mula sa paggamot sa paraang chemotherapy/radiotherapy para sa kanser.
Ang mga kababaihang dumaranas ng maagang menopos ay may malaking panganib na magkaroon ng osteoporosis at sakit sa puso sa dahilan ng mahabang panahong mga epekto ng mababang antas ng estrogen. Kung sa iyong palagay ikaw ay nakakaranas ng maagang menopos mahalagang makipag-usap sa inyong doktor.
Habang tayo ay papalapit sa menopos, ang produksiyon ng mga hormone, tulad ng estrogen, sa pamamagitan ng mga obaryo ay bumabagal. Sa panahong ito ang mga antas ng hormone ay higit na nagbabago at kadalasan mapapansin mo ang mga pagbabagong ito sa pagdating ng iyong regla: maaaring maging mas matagal, mas maikli o irregular, maaaring maging hindi gaanong matingkad ang kulay, maaaring maging hindi tiyak ang pagkakaroon ng regla at maaaring maging mas malakas.
Sa malaon ang antas ng hormon ay bababa upang ang pagkakaroon ng regla ay tuluyang tumigil at maabot ang menopos. Kakailanganin ang pagkontrol sa panganganak o pagbubuntis hanggang sa ikaw ay umabot sa isang taon na walang natural na regla.
Iba pang mga palatandaan at sintomas ng menopos:
Habang nagbabagu-bago ang antas ng hormon at tuluyang tumigil, mag-umpisang makaranas ng mga pisikal at emosyonal na sintomas gaya ng: tinatawag na ‘hot flushes’ at pamamawis sa gabi, mga mararamdamang mga pananakit, mga pakiramdam na tila may gumagapang at pangangati sa balat, pananakit ng ulo, panunuyo ng ari, nabawasang hilig sa pakikipagtalik (libido), pagdalas ng pag-ihi, kapaguran, pagkamamagalitin, kalungkutan, problema sa pagtulog, kawalan ng pagpapahalaga sa sarili, at pagiging makakalimutin.
Paano mo matulungan ang iyong sarili?
A) Pagkain ng mga nakakapagpapalusog. Piliin ang malawak na uri ng pagkain:
- mga sariwang gulay, prutas, mga cereal at mga buong buto.
- dagdagan ang pag-inum ng tubig (6-8 baso ng tubig araw-araw).
- bawasan ang inuming may caffeine (kape, tsaa, kola at tsokolate).
- limitahan ang alcohol, 1-2 karaniwang baso o mas maliit bawat araw.
- mga pagkaing mula sa gatas na mababa sa taba na may mataas na kalsiyum.
- maliit na hain ng karneng walang taba, isda o manok maraming beses sa isang linggo.
- mga phytoestrogen (mga estrogen mula sa halaman).
Ang pinakamahusay na mapagkukunan nito ay ang soya at tinapay na may linseed, soya bean, tokwa, mga buong buto at mga gulay na buto. Pinapalitan ng mga mahinang estrogeng ito na mula sa halaman ang ilang mga natural na estrogen na nawala sa panahon ng menopos at maaaring makabawas sa mga sintomas. Pinapababa rin ito ang antas ng kolesterol at presyon sa dugo.
B) Regular na pisikal na gawain. 30 minuto ng katamtamang pisikal na gawain sa araw-araw sa loob ng isang linggo:
- nagpapanatili ng kalusugan ng puso gayundin ng pangkalahatang kalusugan.
- tumutulong sa pagkontrol ng pagtaas ng timbang – habang ikaw ay tumatanda ang metabolismo ay bumabagal.
- ang angkop na mga ehersisyong nagbubuhat ng timbang (hal: mabilis na paglalakad, pagsasayaw) at mga ehersisyo para sa pagsasanay ng lakas (hal: paggamit ng weights) ay tumutulong na mapanatiling malusog ang mga buto, mapanatili ang lakas ng kalamnan at mabawasan ang pagliit ng buto. Ito ay nakakatulong din na mapanatili ang good balance at nakakabawas ng panganib ng pagkapinsala mula sa pagkahulog o disgrasya. Ito ay nagbibigay ng ginhawa at nakakatulong sa atin na makayanan ang problema sa ating buhay.
K) Iwasan ang paninigarilyo
D) Pag-aalaga sa iyong emosyonal na kalusugan. Ang ilang mga kababaihan ay nakakaranas ng pagbabago ng mga kondisyon katulad ng bahagyang pagkalungkot at pagkamamagalitin. Ang mga sintomas na ito ay kadalasang may kaugnayan sa pisikal na mga pagbabago katulad ng tinatawag na ‘hot flushes’, pamamawis sa gabi at problema sa pagtulog. Ang mga pagbabago sa estilo ng pamumuhay at pagkontrol sa pisikal na mga sintomas ay kadalasang makakapagpabuti ng pangkalahatang kalusugan.
E) Regular na Pap Smear at mga pagpapasuri ng suso. Pagpapa-pap smear at pagpapa-mammogram tuwing ikalawang taon.
Ano mga paggamot na makakatulong upang mapangasiwaan ang mga sintomas ng menopos?
Hormone therapy (HT) o kilala rin bilang Hormone Replacement Therapy (HRT):
Ang hormone therapy ay nakatutulong na magpaginhawa sa mga sintomas ng menopos.
Ang maikling panahong paggamit ng hormone therapy para sa pangangasiwa ng mga sintomas ng menopos ay isang makatwirang opsiyon. Gayunpaman, walang uri ng paggamot na walang panganib. Mahalaga na lahat ng gumamit ng HT ay ma-check-up ng doktor isang beses sa isang taon.
Natural na mga paggamot:
Kabilang sa mga natural na paggamot ang maraming iba’t ibang pamamaraang katulad ng halamang-gamot, acupuncture, homeopathy at ang tradisyonal na medisinang Intsik at kadalasang ginagamit ng mga kababaihan upang mapangasiwaan ang mga sintomas ng menopos. Mahalaga na tandaan na ang natural na ‘halamang-gamot’ ay maaaring magkaroon ng hindi magandang epekto sa ilang mga kababaihan, katulad din ng mga nireresetang mga gamot. Para sa pang-matagalan na gamutan mahalaga na magpatingin sa isang kwalipikadong naturopath.
Ang mga natural na paggamot ay maaari ring gamitin kasabay ng hormone therapy. Mahalaga na ipaalam sa iyong doktor at naturopath kung ano ang eksaktong inireseta ng bawa’t isa.
Ang aming inilathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maari pang magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-alala tungkol sa inyong kalusugan.
Gabay Kalusugan hatis ng FNA-Rome