“Why not me?”, ito ang titolo ng unang unang CD ni Pamela Gevero, lalong kilala bilang Pamela Gray sa Italya. Isang awitin na napapakinggan sa iba’t ibang parte ng mundo magmula noong nakaraang lunes, ika-!9 ng Septyembre.
“Ito po ay aking handong sa aking mga kababayang nasa Italya gayun din sa ating bansang Pilipinas”, pagmamalaki ni Pamela sa isang interview ng Akoaypilipino.eu. “Malaking karangalan na isang Pilipina ang lead vocalist ng isang banda ng mga Italyano (Smile Band).
Si Pamela Gray ay tubong IloIlo, ipinanganak noong Enero taong 1972. Tapos ng kursong Business Administration. Pagkatapos nang pag aaral ni Pamela Gray, nagpatuloy ang kanyang pagkanta sa karaoke bar at malalaking pub sa Iloilo para ipagpatuloy na maibahagi sa publiko ang kanyang hilig sa larangan nang pag-awit.
Pagkalipas nang ilang taon ay nag-asawa si Pamela at pansamantalang iniwan ang maging singer ng pub at public karaoke bar. Hindi nagtagal, apat na taon ang makalipas, ay nagdesisyong mag trabaho sa Japan. Naging isang sikat na mang-aawit sa Tokyo. Naging bahagi ng Mango band na naging simula ng maraming konsyerto sa Dubai, Bahrain, Saudi Arabia. Patunay na mas lalong tumibay ang career ni Pamela sa larangan nang musika.
Taong 1998 nagdesisyon si Pamela na magtungo ng Italya bilang isang employee at dito nakilala si Gregorio Cosentino, taong 2004. Matapos makita ang angking talento sa pag-awit, si Gregorio ay naging guro niya sa musika.
“Natatandaan ko, isang hapon nang summer nang 2005, sa bahay ni Gregorio ay dumating ang kanyang matalik na kaibigan na si Enzo Negro, art director nang kilalang tv chanel sa Italya. Narinig niya ang boses ko at nag offer ito nang posibilidad na maging guest ako sa mga shows”, masayang kwento ni Pamela.
Nag-umpisa ang kanyang public appearance sa Italya sa “Derby del cuore ad Albairate”sa Milan noong 2005; singer ng Orchestra della Pirelli Refranchaising. Naging bahagi ng contest na “Uno Su Mille” ng taong 2006 sa Montecatini Terme. Taong 2006, nagdesisyon si Enzo Negro at Gregorio Cosentino na gumawa nang album para maipagmalaki sa buong Italia ang galing ng isang Pilipinang tulad ni Pamela.
“Malaki po ang pasasalamat ko sa aking manager producer na si Enzo Negro na isa sa mga art direktor ng Mediaset. Gayun din sa Music Waves Edizioni Musicali, sa kanilang paniniwala sa aking pag-awit. At siymepre pa, hinihiling ko rin po ang suporta ng ating mga kababayan na patuloy na tangkilikin ang talentong Pilipino”, pagtatapos pa ni Pamela.