Rome – Nakabalik na ng bansa ang halos lahat na itinuturing na mga bayaning Pinoy crew members na lulan ng MV Costa Concordia. Ang unang grupo (108) ay dumating noong nakaraang Huwebes, ang ikalawang batch (74) naman ay dumating ng sumunod na araw. Samantala ang ikatlong grupo (111) ay dumating noong Sabado. Maging ang kalalabas lamang ng ospital na si Barry Ebora ay nasa wheel chair pang sinalubong ng mga kaanak nito.
“Tatlong oras po akong nasa tubig at lumalangoy sa loob ng barko bago na-rescue ng Italian coastguard”, kwento ni Ebora sa mga sumalubong sa kanya.
Inaasahan din ang pagdating ng huling nasaktan sa trahedya ng mga susunod na araw.
Malaki ang tiwala na tutupdin ang mga ipinangako ng Magsaysay Maritime Corporation at ng Costa Crociere, ang may-ari ng barko na lahat ay makakatanggap ng benepisyo, bukod sa 3,750 dollars, halos P162,000 para sa mga nawalang gamit. Ayon pa rin sa Magsaysay, bandang Mayo ng taong ito, ay ilalabas ang bagong vessel nito at prioridad pa rin ng Costa ang mga Filipino seafarers sa ipinamalas na pagmamalasakit sa kanilang trabaho.
Bagaman tila mga pagod pa at malungkot dulot ng trahedya at walang naiuwing pasalubong sa pamilya, ay lubos pa rin ang pasasalamat ng mga crew members maging ng mga kapamilya nito at sila ay nakaligtas sa trahedya. Bukod dito, ang mga seafarers ay itinuring ng mga pasahero ng barko bilang mga tagapagligtas at tunay na ginampanan ang kanilang tungkulin hanggang sa kahuli-hulihang sandali.
“Tinulungan naming una ang mga mayroong bata at mga matatanda”, kwento ni Deodato Ordova, isang cabin steward na tumalon at lumangoy hanggang isla.
“Bumalik pa kami sa ibaba kahit hanggang leeg na ang tubig, upang tapusin ng maaayos ang aming trabaho, pagkatapos, ay tumulong kami sa ibang Pinoy sa pagliligtas sa mga pasahero”, ayon kay Rey, isang makinista ng barko.
Mabilis naman ang naging tugon ng Philippine Embassy sa Rome at nagpadala agad ng Embassy Emergency Response Team upang magbigay ng mga pangunahing pangangailangan sa mga pasahero at crew na Filipino ng cruise ship.
Sa pangunguna ni Consul Grace Fabella at Owwa officer Lyn Vibar ay nagtungo sa Porto di Santo Stefano na naging rescue center ng mga crew ng Costa Concordia.
Tatlo sa mga Filipino ang nireport na nasugatan at dinala sa ospital. Samantala, matapos kilalanin ang mga crew, ay dinala sa isang hotel sa Roma at doon nanalagi ng ilang gabi. Walang humpay ang dating ng tulong buhat sa mga Ofws sa Roma. Mula sa mga pagkain, damit at mga pangunahing pangangailangan ay hindi naman pinabayaan ang mga survivors.
Mula sa buong staff ng Embahada ng Pilipinas sa Italya sa pangunguna ni Ambassador Virgilio Reyes, ang staff ng Embassy to the Holy See sa pangunguna ni Ambassador Mercedes Tuazon, ng OWWA-POLO, at mga aktibong asosasyon o grupo tulad ng Pinoy Bikers,Feder-fil,
Dangal Guardians, Filip-inay Association, Guardians DGPI Gold Wings Rome Chapter, Deusfratres Onlus, mga business sector, media, individuals gayun din ang mga Filipino Councillors sa Roma ay pinatunayan ang magandang kaugaliang Pinoy, ang Bayanihan saan mang sulok ng mundo sa oras ng pangangailangan. Kung kaya’t walang humpay rin naman ang pasasalamat ng mga Pinoy crew ng Costa Concordia sa mga ofws sa Roma at sa buong Italya.
Dahil damang dama pa rin ang ‘trauma’ sa sinapit na trahedya, isang Thanksgiving mass ang ginanap noong Huwebes ng hapon, Enero 19, sa Parrochia Madonna di Loretto Fiumicino sa pangunguna nina Fr. Ricky Ignacio, Fr. Ted Lopez at ni Monsignor Jerry Bitoon na nagbigay lakas spirituwal sa mga survivors.
Ayon sa mga crew ng nasabing crusie ship “Kaunting ingay at bahagyang movement lamang sa gabi, nagigising pa rin kami”, dala ng takot at pangamba sa sinapit na trahedya na tila sikat na pelikula ang “Titanic”.
“Masaya na rin kami kahit papaano, sa kabila ng aming sinapit ay hindi naman kami pinabayaan ng ating mga kababayan sa Roma”, ayon kay Philip Sullevan, 35 taong gulang ng Restaurant Department.
Samantala, ang halos lumubog ng barko sa Isla ng Giglio ay pinangangambahang magkakalat ng langis sa karagatan na magiging sanhi ng pagkasira ng kalikasan at yamang dagat. Dahil dito, ay inumpisahan ng tanggalin ang 2,400 tons ng langis sa tangke nito. Ang ‘bunkeraggio’ o pagtatanggal ng langis ay hindi umano makakaantala sa rescue ng mga nawawalang pasahero pa nito.
Sa kasalukuyan ay 16 ang nasawi sa trahedya.
Patuloy namang naka house arrest ang kapitano ng cruise ship na si Francesco Schettino at inaresto sa kasong multiple manslaughter. Ito ay dahil sa pag-abandona sa barko habang nagkakagulo ang mga crew sa pagtulong sa mga pasahero.
“Wala sigurong naging biktima kung ginampanan lamang ng komandante ang kanyang tungkulin. Isang pagkakamali para sa amin ang iwan nya ang barko”, komento ni Benigno I, isa sa mga chef sa barko.
Mainit pa rin ang isyu ukol sa isang dalagang Moldavian na 25 taong gulang na kasama ng kapitano sa paglisan sa barko at ayon sa mga report ay wala diumano ang dalaga sa official list ng mga pasahero nito.