in

SINAUNANG TRASDISYON NA “KARAKOL” NG BAYAN NG ROSARIO, CAVITE, ISASAGAWA SA FIRENZE SA MAYO 27

Ang Bayan ng Rosario ay isang bayang mayaman sa kasaysayan na matatagpuan sa lalawigan ng Cavite. 

altRome, Abril 20, 2012 – Sa kadahilanang malapit ang bayang ito sa dalampasigan, sa yamang dagat nabubuhay ang karamihan sa mga naninirahan dito. Bukod sa yamang dagat, nakilala rin ang bayang ito dahil sa paggawa ng asin.  Ito rin ang dahilan kung bakit ang bayang ito ay unang pinangalanan ng mga prayle ng Salinas Marcella noong nasasakupan pa ng mga Kastila ang Pilipinas. Sa dagat din umiikot ang isang matandang tradisyon ng pagsasayaw ng “karakol” bilang pagpupugay sa santong patron ng bayang ito, ang Nuestra Senora Virgen del Santissimo Rosario Reina de Caracol.

Ang “karakol” ay tumutukoy sa pagsasagawa ng prusisyon habang isinasayaw ang imahe ng birhen paikot mula sa karagatan hanggang sa mga kalsada ng Rosario na nagtatapos sa simbahan. Maraming bersyon ang pinaniniwalaan kung saan nagsimula ang tradisyong ito sa bayan ng Rosario. Isa sa pinakasikat na bersyon ay nang diumanong nakita ang imahe ng birhen ng mga kabataan na inaanod malapit sa dalampasigan ng bayang ito.  Kanila daw itong itinago ngunit himalang natatagpuan lagi itong nakalutang sa may dalampasigan.  Kumalat ang balitang ito sa buong bayan at sa tindi ng pananampalataya ng mga tao dito, ginawa nilang patrona ang nasabing imahe at nagsimulang magsagawa ng “karakol”.  Kasabay din nito ang pagpapalit ng pangalan ng bayang ito mula sa Salinas Marcella sa Rosario.  Mula noon hanggang sa kasalukuyan, ang “karakol” ay taunang isinasagawa sa bayang ito.

Malayalto man ngayon sa bayang Rosario si Mr. Erick Abutin, na ngayon ay kasalukuyang naninirahan sa Firenze, ay gumagawa pa rin ng paraan upang maipagpatuloy ang isang panatang nauukol sa mahal na birhen.  Isang panata na patuloy na ipagdiwang ang “karakol” kasama ang kanyang pamilya bilang alay sa Nuestra Senora Virgen del Santissimo Rosario Reina de Caracol, kahit sila ay nasa malayong bansa.  Sa katunayan, noong Mayo 29, 2005, dinala nila ang isang replika ng imahe sa Firenze at ipinanhik sa iba’t-ibang tahanan ng mga kapwa Pilipino upang magdaos ng mga panalangin sa Banal na Birhen. 

Sa taong ito, sa tulong ng iba pang mga panatikong pamilya sa Firenze, kasama ang DGPI-FIRENZE WING, Firenze Chapter, isang malakihang “karakol” ang kanilang isasagawa sa MAY 27 sa Circolo Le Cure, sa Via Settembrini, na matatagpuan sa mismong sentro ng Firenze

Layunin ng pagsasagawa ng nasabing “karakol” na ito ay ang pagbibigay ng pagkakataon na makapiling din ng iba pang pamilya ang larawan ng birhen.  Inaanyayahan ni Mr. Abutin ang lahat ng mga Pilipino na dumalo sa kauna-unahang pagdiriwang ng “karakol” sa Italya.  Maaari pong makipag-ugnayan sa numerong 334.3650285 para sa anumang impormasyon.  (ni: Rogel Esguerra Cabigting)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Nawalan ako ng trabaho. Maaari ba akong magaplay ng unemployment benefit?

Filipino Nurses Association of Tuscany (FNAT) nagdiwang ng unang anibersaryo