Nagsawa na rin ang ulan
malamang napagod at tumila nang tuluyan
ngayon naman sa buong kalangitan
nagniningning ang sinag ng araw sa sanlibutan
gayun na rin sa aking puso’t isipan
nagsisimulang mamayani ang pag-ibig at kapayapaan
Nagsawa na rin ang ulan
malakas na hangi’y pinagbigyan
tangay maiitim na mga ulap sa kaitaasan
liwanag ang unti-unting pumapalit sa karimlan
sa aking mukha muling mababanaagan
pagbabalik ng ngiti, saya at katiwasayan
Nagsawa na rin ang ulan
iniwan mang basa ang damuhan
lakas ‘di sapat para maging putikan
pagbuhos nito’y ‘di nakayang tabunan
tunay na pagmamahal sa aking katauhan
aking pagkabasa’y naging panandalian
Nagsawa‘t tumigil na ang ulan
muli ko na namang napatunayan
mahina man o malakas ang buhos ng ulan
mababasa ang lahat ng walang masisilungan
may mawawalan ng pagmamahal at kabutihan
ngunit paniniwala’y mapanghahawakan
Nagsawa’t tumigil na talaga ang ulan
bahaghari’y kita na sa kanluran
magagandang kulay may mga kahulugan
ilusyon man ito o katotohanan
maruming puso’t isip kanyang lilinisan
magsisilbing kalasag sa susunod pang pag-ulan
(ni: Demetrio ‘Bong’ Rafanan)