Roma, Hunyo 12, 2012 – Tatlong kabataang Pinoy ang napagtripan umano ng grupong kapwa Pinoy na nakakatanda sa mga biktima at ang mga ito ay walang awang pinagbubugbog bandang 5:45 ng hapon sa Piazza Ankara – Roma nang magdaos ng ika-114 na anibersayo ng Kalayaan. Isa sa tatlo, ay napuruhan at sugatan ang labi at makikita ang talamsik ng dugo sa mukha at kasuotan ng biktima.
Sinuntok diumano ng isang lalaking hindi man lang niya namukhaan gamit ang bakal sa kamao. Pinagsisipa pa ito at tinangkang saksakin ang biktima subalit ang huli ay nakaiwas sa tulong na rin ng mga kasamang saksi sa mga pangyayari ng grupong Pinoy na kaagad nakatakas sa tulong na rin ng pinaghihinalaang kasabwat sa kaguluhang ito.
Ayon sa biktima, nagpakilalang rapper ng “Emperyo ng Roma”, walang dahilan para siya ay bugbugin at ito rin ang kaniyang naging pahayag sa mga pulis samantalang naghihintay na madala siya sa hospital. Pinaalalahanan naman ng mga pulis ang grupo ng biktima na kung makikilala ang pangahas na nangbugbog ay huwag tatangkaing gumanti.
“Nakakasiguro kami na pinatira ang kaibigan namin”, ayon sa isa sa mga kaibigan ng biktima. Dahilan umano ay inggit at selos.
Samantala, nang araw ding iyon, winasak naman ang booth ng Apostles For Christ Filcom. Dahilan daw ng pagwasak sa booth ay ang pagkapanalo nito na “Best Booth”, ito daw marahil ay dahil rin sa inggit.
Sa kasalukuyan, gumagawa umano ng paraan ang Security Committee upang mas maunawaan ang dahilan ng mga pangyayaring ito, makilala ang mga salarin at maiwasan ang anumang uri ng agresyon sa mga susunod na pagdiriwang ng komunidad. (sinulat ni Liza Bueno Magsino at larawan ni Corazon Rivera)