Si San Pedro Calungsod ay isang Pilipinong migrante, karpintero, sakristan at misyonaryong katekistang Katoliko na naging martir kasama si Beato Diego Luis de San Vitores noong 1672.
Sa pamamagitan ng kanilang misionaryong gawain, maraming Chamorros ang naging Romano Katoliko. Si Calungsod ay tinanghal na beato ng Santa Iglesia Romana Katolika noong 5 ng Marso, 2000 ni Blessed Pope John Paul II at itinalagang Santo ni Pope Benedict XVI kahapon Oktubre 21, 2012. Ang calendario ng Martiriologia ng Romana Katolika ay itinalaga ang kanyang feast day tuwing ika 2-ng Abril.
Ayon sa mga dokumento, si Calungsod ay tubong Visayas, isang "Cebuano". Pinaniniwalaang 17 taong gulang si Pedro ng sumama sa mga paring Hesuita mula sa isa sa mga paaralang itinataga ng mga ito sa Cebu, Iloilo, o Bohol. Kasama siya sa mga binatilyong katulong ng mga paring Heswita na pumunta sa Guam noong 1668. Sa kanilang pagpupunyagi ay marami ang nakatanggap ng mga Sakramento lalong lalo na ng Binyag.
Ang balak na pagpatay sa kanila ay nagsimula nang ang isang Tsino na nagngangalang Choco ay magpakalat ng mga maling paratang na ang mga misyonero ay nilalason ang mga katutubo sa isla sa pamamagitan ng kanilang pagbubuhos ng tubig (binyag)at ang ritwal ng Banal na Misa. Noong ika-2 ng Abril 1672, dumalaw si Padre Diego at Pedro Calungsod sa Tumhon. Napag-alaman nila na mayroong bagong ipinanganak doon kung kaya’t pinuntahan nila ang ama na si Matapang. Siya ay dating Kristiyano at kaibigan ng mga misyonero ngunit dahil sa mga maling paratang ni Choco ay tumiwalag ito sa pananampalataya. Hindi siya pumayag na binyagan ang kanyang anak. Kaya umalis sina Padre Diego at Pedro at tinipon ang mga kabataan at iilang nakatatanda sa dalampasigan para awitin ang doktrina. Inanyayahan pa ni Padre Diego si Matapang na sumali ngunit galit itong tumanggi. Pinuntahan ni Matapang ang isang kaibigang si Hirao upang hikayating sumali sa tangkang pagpatay sa mga misyonero. Tumanggi si Hirao dahil sa kabaitan ng mga misyonero subalit ang paratang bilang duwag ni Matapang ang mabilis na nappabago ng isip nito. Habang wala si Matapang, bininyagan ni Padre Diego ang bata nang may pahintulot ng ina. Nang dumating si Matapang at nalaman niya ang nangyari, sinugod nila ang mga misyonero. Makisig na naiwasan ni Pedro ang mga sibat ngunit sa huli ay tinamaan siya sa dibdib at tuluyang namatay nang tamaan ang kanyang ulo gamit ang isang ispada. Bago siya binawian ng buhay ay binendisyonan siya ni Padre Diego. Pagkatapos, tinangka ni Padre Diego na hikayatin sina Matapang at Hirao na magbalik-loob sa Dios. Ngunit sinibat din siya at tinaga. Kinuha ni Matapang ang suot na krusipiho ni Padre Diego at dinurog ito. Hinubaran nila ang katawan ng mga misyonero, tinalian ng malaking bato, dinala sa dagat, at tinapon. Nung hapon ding yon, may kasama silang dumating sa Tumhon at doon niya napag-alaman ang nangyari kay Padre Diego at Pedro.
Ayon sa historisidad ng mga dokumento sa Roma, si Calungsod ay gumamit ng sinaunang Katekismo na tinawag na Doctrina Christiana. Ito ay ang unang simpleng libro ng katekismo na gamit ng mga relihiyoso noong araw para itatag ang Cristianismo sa Pilipinas. Dahil sa pagkamatay ni Calungsod ayon sa sakripisyo para sa relihiyon ng Romana Katolika, sya ay tinanghal na "In Odio Fidei" ng Simabahan. Ito ay nagsasabing sya ay namatay ng dahil sa galit ng mga taong ayaw sa Christianong relihiyon at pananampalataya. At ng dahil sa kanyang uri ng pagkamartir at pagkamatay, hindi kailanagn ng patunay o prueba ng Roma para patunayan na sya ay isang Beato. Ngunit kinailangan syang hingan ng patunay o himala para maging tituladong Santo, na sya namang naganap nuong 2003 sa pamamagitan ng isang babaeng negosyante na di umanoy nabuhay pagkatapos mamatay ng dahil sa sakit na stroke at comatose.
Sinimulan ang proseso ng beatipikasyon ni Padre Diego noong 1673. Ngunit dahil sa kaguluhan at sa pagpapalayas ng mga Heswita, ito ay nahinto. Sinimulan lamang ito muli noong 1980s at nagtagumpay sa beatipikasyon ni Padre Diego noong ika-6 ng Oktubre 1986. Noon rin bumalik sa alaala si Pedro Calungsod. Dahil ang Guam ay dating bahagi ng Diyosesis ng Cebu, pinangunahan ni Ricardo Cardinal Vidal, ang arsobispo ng Cebu, ang pagbubukas ng mga pagsusuri at pag-aaral tungkol kay Calungsod. Noong 1997, itinalaga ni Cardinal Vidal si Padre Ildebrando Jesus A. Leyson bilang vice postulator na siyang susulat ng opisyal na ulat tungkol kay Calungsod. Isinangguni ito sa Congregation for the Causes of Saints at noong Enero 2000 inaprubahan ni Beato Juan Pablo II ang dekreto na tunay ngang martir si Pedro Calungsod.
Bineyatipikahan siya ni Papa Juan Pablo II noong ika-5 ng Marso, taong 2000. Ayon sa Calendario ng Martires ng Santa Iglesia Romana Catolika, si Calungsod ay inaalaala tuwing ika-2 ng Abril, ang araw ng kanyang kamatayan. (Ngunit kung ang ika-2 ng Abril ay nakapaloob sa Semana Santa, ito ay ipinagdiriwang sa Sabado bago ang Linggo ng Palaspas para magbigay respeto sa Linggo ng Pagkabuhay na hindi kasali sa bilang ng 40 araw ng Cuaresma.)
Noong Disyembre 2011, inanunsyo ni Cardinal Tarcisio Bertone ang pag aprubaha ni Pope Benedict XVI sa pagsusuring ginawa ng Congregacion para sa Dahilan ng mga Kasantuhan sa isang himalang nakamit umano sa pamamagitan ng pagdulog kay Beato Pedro Calungsod. Ito ay ang paggaling sa loob lamang ng dalawang oras ng isang ginang na idineklarang "brain dead." Noong Pebrero 18, 2012, ipinaalam ng Santo Papa ang kanyang pasyang pagtalaga ng mga bagong Santo kabilang si Pedro Calungsod sa ika-21 ng Oktubre 2012.
Siya ang ikalawang Santong Pilipino at una mula sa Kabisayaan pagkatapos matanghal si San Lorenzo Ruiz de Manila ni Beato Papa Juan Pablo Segundo noong 1987. (Wikipedia)