Nob. 19, 2012 – Hindi napigilan ang Pangulong Bengino "Noynoy" Aquino III patungong Cambodia noong nakaraang Sabado upang dumalo sa 21st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits.
Ang pangulo ang namuno sa delegasyon ng Pilipinas na binubuo ng 54 katao kasama na ang ilang miyembro ng Gabinete.
Bukod sa Pilipinas, ang mga bansang kalahok sa ASEAN Summit ay Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Brunei, Myanmar, Cambodia at Laos.
Ayon sa Presidential Communications and Operations Office (PCOO) ay makikipagpulong diumano ang pangulong Aquino sa iba pang matataas na lider ng ASEAN at ng East Asian Partners (EAP) upang lalong mapagtibay ang kooperasyon ng mga bansa sa Silangang Asya.
Ilalahad din umano ng Pangulo ang posisyon ng bansa kaugnay sa maritime security sa West Philippine sea, human rights at proteksyon ng mga OFW.
Bagaman pinayuhan ng mga duktor na magpahingan muna ang pangulo ay nagpumilit na makadalo sa pagtitipon dahil sa kahalagahan ng Summit. Pinaniniwalaan diumano ng pangulo ang kahalagahan ng diyalogo sa pagitan ng mga bansa at mga leaders nito, ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte.
Ayon sa mga report ay aabot sa P11 milyon ang gastusin sa nasabing biyahe ng pangulo sa Cambodia na tatagal ng tatlong araw hanggang Nov 20.