Lumabas kamakailan sa youmedia.fanpage.it ang buhay ni Mang Eugenio Andaya, isang “mangagarit” mula sa Quezon. Ito ay upang ipakilala ang ‘lambanog’ sa buong mundo.
Rome, Enero 14, 2013 – Ang lambanog ay isang uri ng alak na pangunahing produkto ng lalawigan ng Quezon. Ang katas o dagta ng bulaklak ng niyog ang pinakamahalagang sangkap upang magawa ang alak na ito. Ang mga mangagarit ay aakyat sa puno ng niyog tuwing tanghali upang putulin ang mga bulaklak. Ang dagta ng bulaklak na ito ay patutuluin sa mga lalagyan na tinatawag na tukil na kadalasang gawa sa biyas ng kawayan. Kinabukasan, kokolektahin ng mangagarit ang dagta mula sa lalagyan at ito ay dadaan sa proseso ng permentasyon, na makakalikha naman ng tuba. Ang tuba ay kukunin at matapos na dumaan sa proseso ng distilasyon, ito ay magiging lambanog.
Ang ‘lambanog’ (vodka al cocco), ay 100% na natural at walang mga masasamang kemikal na tulad ng ibang mga komersyal na alak.
Ito ang hanapbuhay ni Eugenio Andaya, isang mangagarit, na itinuturing na isa sa pinaka mapanganib na trabaho sa buong mundo. Si Mang Eugebio, 53 anyos ay kumikita ng 7 $ bawat araw. “Hindi ko naiisip na iwanan ang pagiging mangagarit dahil hanapbuhay ko ito sa kabila ng pagiging mapanganib nito”. Sapat ang halagang kinikita ni Mang Eugenio upang buhayin ang pamilya, tulad ng maraming iba pa.
Salamat sa mga distillery na pinatatakbo ng mga iba’t ibang pamilya sa lalawigan ng Quezon, na mayaman sa taniman ng niyog. Kilala ang Capistrano, 30 taon na sa industriya ng lambanog at umaasang mapalalago ng lubusan ng kanyang mga anak ang minana mula sa mga magulang.
“Kung magsisimulang mag-export ng lambanog, ito ay nangangahulugan ng pag-unlad ng industriya at malaking tulong sa ating ekonomiya, ngunit sa ngayon ay mahalagang maipakilala ang lambanog sa buong mundo”, ayon kay Isabelita Capistrano.