“Ito ay ating sariling kasaysayan, ang kasaysayan ng ating panahon”.
Roma – Pebrero 20, 2013 – Sa Abril 14, 2013 ay ipapalabas sa Roma sa Fratelli Scoule Cristiani, Via Aurelia ang pelikulang Migrante (The Filipino Diaspora) sa tatlong screening nito; 11:00am-1:00pm, 2:00pm-4:00pm at 5:00pm-7:00pm.
Sa pangunguna ng UMANGAT-Migrante at sa pakikipagtulungan ng ibat-ibang mga organisasyo ng Pilipino sa Roma ay ipapalabas ang pelikulang nagsasalaysay ng mga tunay na karanasan ng mga OFWS sa kanilang pakikibaka sa ibayong dagat. Naglalahad ng kasaysayan ng bawat pagtitiis at pasakit ng bawat OFW para sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Ang pelikula ay naglalarawan ng ating sariling kasaysayan, ang kasaysayan ng ating panahon”, ayon sa newsletter ng Umangat Migrante.
Matutunghayan sa nasabing pelikula ang nakakapangilabot na hiyaw ni Frida Mallari (Jodi Sta. Maria) habang ginagahasa siya ng kanyang among Jordanian, at ang bangungut na umabot sa kanyang asawa (Allen Dizon) na lumunok ng kanyang karangalan at naghagilap ng pamasahe upang hanapin at damayan ang ina ng kanyang mga maliliit pang anak, isa sa kanilla ay may sakit na kanser.
Ang pelikulang ito ay sa direksyon ng batikang si Direk Joel Lamangan at isinulat ni Boni Ilagan na pinagtambalan ng mga sikat na artista gaya ni Jodi Sta. Maria at Allen Dizon at marami pang iba.
Ang nasabing pelikula ay ipapalabas din sa ibat-ibang parte ng Italya gaya ng Modena, Milan at Messina at sa ibat-ibang parte ng Europa.
Layunin ng proyekto ang patuloy na matulungan ang mga kababayang nabiktima ng bagyo at iba pang sakuna sa ating bayan, sa ilalim ng proyektong Sagip Migrante.