Mga Pilipino sa Tuscany , nagsama-sama sa pagdiriwang ng ika-50 taong kaarawan ni WILFREDO FRANCO PUNZALAN.
Firenze – Marso 4, 2013 – Naging laman ng mga usap-usapan maging sa loob at labas ng buong rehiyon ng Tuscany ang matagumpay at kakaibang selebrasyon ng ika-50 taong kaarawan ni Mr. Wilfredo Franco Punzalan, na mas kilala sa tawag na “Willy”.
Ang nasabing espesyal na selebrasyon ay naganap noong Pebrero 10, 2013 sa Circolo Ponte a Ema na matatagpuan sa mismong sentro ng siyudad ng Firenze. Hindi naman kataka-taka na mabansagang “Birthday Party Celebration of the Decade” ang naturang pagdiriwang dahil sa kauna-unahang pagkakataon sa buong kasaysayan ng imigrasyon ng mga Pilipino sa Tuscany, ang nasabing okasyon lamang ang maituturing na nakapagtala ng pinaka-glamoroso at pinaka-magarbong pagtitipon ng mga Pilipino na kung saan nasaksihan na nagkasama-sama at nagka-isa ang napakaraming tao at personalidad na kumakatawan sa iba’t-ibang sektor mula sa iba’t-ibang lugar sa nasasakupan ng Tuscany tulad ng Siena, Pisa, Livorno, Empoli, Massa Forte dei Marmi, Pistoia, Arezzo, Grosseto, Lucca, Cortona, atbp.
Ang mga dumalo sa nasabing pagdiriwang ay mahigpit na sumunod sa hiniling na dress code theme na Long Gown para sa mga kababaihan at Dark Suit-Tie naman ang sa mga kalalakihan. Pagandahan ng mga eleganteng gowns na tunay naman na wala kang itutulak-kakabigin dahil talagang lumabas ang tunay na ganda ng mga Pilipinang nakisaya sa engrandeng okasyon. Hindi naman nagpatalo sa papormahan ang mga kalalakihan na lalong tumingkad ang mga pagiging maginoo sa mga suot nilang terno dark suit. Kitang-kita ang malaking preparasyon na isinagawa hindi lamang ng mismong celebrant at mga kaanak nito. Maging ang mga nakitang nagsidalo ay halatang pinaghandaang mabuti hindi lamang ang kani-kanilang mga ayos at kasuotan pati na rin ang kani-kanilang partisipasyon sa pagdiriwang. Ang engrandeng birthday party ay kinapalooban ng masayang “Rigodon de Honor” na kinabilangan ng 50 magkaka-ibang mga pairs na karamihan sa kanila ay mga tunay na mag-asawa. Nagkaroon din ng “50 Candle Wishes” na kung saan isa-isang nagpahayag ng mga pagbati at kahilingan ang 50 wishers para kay Willy. Natunghayan din sa nasabing selebrasyon ang makatawag-pansing “Grand Entrance” ng celebrant habang escorted ng DGPI members mula sa pinagsanib-sanib na pwersa ng Rome, Florence at Pisa Chapters. Tinatayang nasa humigit-kumulang na 300 ang tinatayang bilang ng mga naging bisita at panauhin ni Willy noong araw na iyon. Isa sa mga highlight ng pagdiriwang ang isang sorpresang video clip presentation na nagpakita ng ilan sa mahahalagang projects na pinagkakaabalahan ni Willy sa Pilipinas. Isa na dito ang "PEOPLE`S CARE" Project na ang pangunahing layunin ay makapagbigay tulong sa ating mga kababayang katutubo sa Porac, Pampanga. Umantig sa puso ng mga dumalo ang mga sumunod na videos, lalo na nang ipinakitang bumabati sa celebrant ang mga taong malalapit sa puso niya na nasa Pilipinas.
Marami ang namangha sa napakagandang kinalabasan ng nasabing pagdiriwang. Marami din ang nagulat at humanga kung paano maayos na napagsama-sama ang halos 100% ng mga FilCom leaders, mga Managers ng iba’t-ibang Filipino establishments, mga religious at cultural key persons at iba pang mga importanteng tao sa buong rehiyon ng Tuscany sa isang natatanging selebrasyon. Karamihan sa mga bisitang nagpaunlak ng pagdalo at partisipasyon sa nasabing okasyon ay dahil na rin sa malaking respeto at labis na pagmamahal nila sa mismong celebrant na si Willy. Pagmamahal na naging tanging sukli lamang sa mga kabutihan, magandang pakikisama at sa mga tulong na kusa niyang ibinibigay sa mga higit na nangangailangang Pilipino saan mang dako ng mundo sila naroroon.
Inaasahan na patuloy na maulit-ulit pa ang ganitong klaseng mga okasyon na lalo pang nagpatibay sa magandang samahan ng mga Pilipino sa isang lugar. At inaasahan rin, na marami pang sumunod sa yapak ni Willy na patuloy na gumagawa ng mga kabutihan sa kapwa ano man ang estado na kanyang kinalalagyan sa ngayon.
Muli, mula sa AKO AY PILIPINO, ang taos pusong pagbati ng isang maligayang kaarawan, Willy! (ni: Rogel Esguerra Cabigting)