Ang aking asawa ay may karamdaman at kapapanganak lamang niya. Ako ay isang colf. Maaari ba akong pansamantalang manatili sa aming bahay at alagaan ang aming anak? Nabalitaan ko na mayroong tinatawag na congedo di paternità o paternity leave , maaari ko bang hilingin ito?
Marso 11, 2013 – Ang paternity leave o congedo di paternità ay tumutukoy sa panahon ng pagliban mula sa trabaho, ito ay nakalaan sa mga tatay matapos manganak ang kabiyak o ang mag-ampon o ang matanggap ang pangangalaga ng isang menor de edad. Ang karapatang nabanggit ay ayon sa batas artikulo 28 ng d.lgs. 151/2001, ng TU maternity/paternity. Ang paternity leave ay ipinagkakaloob dahil sa mga partikular na kaganapan sa ina ng bata, kahit nagtatrabaho o hindi. Ang petsa nito ay nagsisimula sa petsa ng maternity leave ng ina na hindi napakinabangan o nagamit.
Ang paternity leave ay ibinibigay kapag:
• ang ina ay tinanggihan ng buo o ng parsyal ang maternity leave;
• ang ina ay namatay;
• iniwan ng ina ang sanggol o hindi kinilala;
• ang pangangalaga ay esklusibong ibinigay sa ama (art. 155a cc)
• ang ina ay mayroong malubhang sakit;
Sa unang apat na nabanggit na kaso, ang application ay dapat na isinumite online sa INPS sa pamamagitan ng isang angkop na form kung saan tinutukoy ang mga dahilan sa pag-aaplay ng paternity leave. Sa pagkakataong ang ina ay mayroong malubhang karamdaman, ang prosedura ay nangangailangan ng medical certificate kung saan nasasaad ang karamdaman, ay isusumite ito sa centro medico legale dell’Inps, sa counter o sa pamamagitan ng registered mail.
Sa kaso ng panganganak bago ang panahong itinakda o ang tinatawag na premature na kailangang i-confine ang sanggol, ang paternity leave ay maaaring ipagpaliban ng lubos o ng parsyal, o sa araw mula sa paglabas ng ospital ng sanggol.
Sa paternity leave ay maaaring makatanggap ng tulong pinansyal katumbas ng 80% ng araw-araw na sahod. Ang kalkulasyon ay batay sa huling buwang sahod bago simulan ang leave (artikulo 22 at sumunod 151/2001).
Upang matanggap ang benepisyo, ang mga colf ay kailangang magsumite ng application (form MAT) sa tanggapan ng INPS na sumasakop sa tirahan ng worker o tirahan ng employer. Ang benepisyo ay ibinibigay ng Inps sa dalawang paraan: sa pamamagitan ng post office o ng bank transfer, depende sa pipiliin ng aplikante sa panahon ng pagsusumite ng aplikasyon.
Sa ilang mga kaso
Sa kasong ang ina ay regular na tumatanggap ng benepisyo ng maternity, at hindi sumasailalim sa mga nabanggit na kundisyon sa itaas, ang Riforma del Mercato del Lavoro – batas 92/2012, ay ipinalabas kamakailan, ang experimental measures para sa mga magulang para sa taong 2013-2015. Kabilang dito ang obligatory leave at nonobligatory. Upang matanggap ang nasabing leave ay kailangang ipagbigay-alam ang pagliban sa employer sa pamamagitan ng isang liham, at least 15 araw bago sumapit ang nakatakdang araw ng pagsilang ng sanggol, ang kabuuang bilang ng araw ng leave. Ang employer, ay ipagbibigay-alam ang leave online sa Inps. Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nailalathala ang implementing rules at guidelines na magpapahintulot upang ganap na ipatupad ang bagong panuntunan.
Obligatory leave
Ito ay nakalaan sa mga amang nagta-trabaho, na sa loob ng 5 buwan matapos ang kapanganakan ng bata, ay mayroong obligasyon na lumiban sa trabaho ng isang buong maghapon (hindi maaaring lumiban per hour) ng walang anumang kaltas sa sahod. Ang karapatang ito ay bukod at labas sa maternity leave ng ina, at ito ay matatanggap kasabay ng ina. Bukod dito, ito ay ipinagkakaloob pa rin sa kabila ng pagtanggap ng paternity leave sa pagkakaroon ng mga sitwasyong nabanggit sa itaas.
Nonobligatory leave
Sa nonobligatory leave naman, ang ama ay maaaring lumiban sa trabaho, sa loob pa rin ng limang buwan matapos ipanganak ang sanggol, nang iba pang 2 araw (hindi rin maaaring lumiban per hour) kahit tuloy-tuloy nang walang kakaltasing halaga buhat sa sahod, sa ilalim ng isang kasunduan sa ina ng sanggol. Sa katunayan, ang ama ay dapat na magsumite sa employer ng isang deklarasyon ng ina ukol sa hindi pagtanggap nito ng karapatan ng pagliban sa trabaho. Sa ganitong kaso, babawasan ang araw na nakalaan sa ina na tinanggap naman ng ama, at bilang kapalit ay mapapaaga ng 1 o 2 araw ang pagbabalik sa trabaho ng ina, dahil sa ang mga araw na ito ay tinanggap na ng ama. Kahit sa kasong ito, ang paternity leave ay maaaring tanggapin kasabay sa pagliban ng ina sa trabaho.