Saan galing ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso?
Ang Araw ng mga Puso ay ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Balentino na ginaganap tuwing Pebrero 14. Sa araw na ito, ipinapahiwatig ng mga magkasintahan at mga mag-asawa ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Karaniwang nagpapadala ng mga bulaklak at kard, nagbibigay ng tsokolate, mamahaling regalo, kumakain sa labas o nanonood ng sine. Si San Balentino, ayon sa Katolisismo, ay ang patron ng mga nagmamahalan.
Pinagmulan
Galing ang Araw ng mga Puso sa paganong pagdiriwang ng Lupercalia, ang panahon ng pagpapakasal ng mga Diyos na sina Zeus at Hera. Ipinagdiwang ang Lupercalia noong ika-13 hanggang ika-15 ng Pebrero. Kilala rin ito bilang Pista ng Juno Februa. Noong taong 496, iniutos ni Santo Papa Gelasius I na gawing Kristiyanong ritwal ang mga paganong pagdiriwang kaya’t binigyan ito ng bagong pangalan, ang Valentine’s Day, bilang pagpupugay sa patron nito, si San Balentin.
Ang Valentine’s Day ay ipinagdiriwang ng may inspirasyon at pag-alaala sa dalawang Katolikong santong sina Valentino ng Roma at Valentino ng Terni.
Si Valentino ng Roma ay isang martir na pari. Ipinagbawal noon ni Emperador Claudius II na magpakasal ang mga sundalo ng Roma dahil nakapanghihina daw ito sa mga sundalo na lumalaban sa digmaan. Ngunit, lihim na nagkakasal pa rin si San Valentin ng mga magkakasintahan. Dahil dito, ipinapatay siya noong 270.
Si Valentino ng Terni naman ay isang obispo ng Interamna noong 197, na sinabing pinahirapan at pinatay noong panahon ng pamumuno ni Emperador Aurelian.
Lumitaw ang mga unang papel na pambating tarheta magmula noong mga ika-16 daantaon, na naglalaman ng mga tula ng pagmamahal at mga ginuhit na larawan ni Kupido, ang diyos ng pag-ibig, kasama ng kaniyang pamana at palaso. Naging tanyag ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso noong mga kalagitnaan ng ika-19 daantaon, ang panahon kung kailan ipinakilala sa madla ang mga sangkusing na postahe at mga sobre. (sources: Wikipedia, Wikifilipino)