Abril 4, 2014 – Kung ang isang colf, caregiver o babysitter ay nagta-trabaho at kumikita ng hindi lalampas sa 8.000 euros sa isang taon, na itinakda bilang taxable income o reddito imponibile, ay hindi obligadong gumawa o magsumite ng tax return o dichiarazione dei redditi.
Kung ang taxable income ay higit sa itinakda o higit sa 8.000 euros (paalala, ang taxable income ay sumasailalim sa mga pagbabago taun-taon), para sa batas ng Italya ay obligado, bawat taon, ang gawin ang tax return, sa pamamagitan ng pagdedeklara sa Estado kung magkano ang kinita sa isang taon.
Batay sa kinita, ay obligadong bayaran ang buwis ayon sa itinakdang porsyento ng batas. Malinaw na mas mataas ang kita ay mas mataas din ang halaga ng buwis na dapat bayaran sa Esatdo.
Bawat domestic worker (colf, caregiver etc…) ay tumatanggap ng isang net salary ng social security at welfare na binayaran sa INPS quarterly ng mga employer.
Ang mga kontribusyong ito, gayunpaman, ay hindi nasasakop ang bahaging dapat bayaran ng bawat mamamayan bilang buwis o ang tinatawag na tasse e imposte upang tanggapin ang mga serbisyo na ibinibigay ng Estado sa pamamagitan ng pampublikong tanggapan tulad ng paaralan, ospital, munisipyo, atbp …).
SAHOD O KITA NA HIGIT SA PAMANTAYAN
Walang obligasyon sa pagsusumite ng tax return kung ang kita o sahod sa taong pinag-uusapan ay hindi lalampas sa pamantayan o itinakda ng batas na 8.000 euros.
Ngunit mayroong tinatawag na detrazione o deduction tulad ng malaking pamilya, dependents, medical expenses at marami pang iba, na maaaring maging mahalaga sa sinumang mayroong reddito complessivo o total revenue na higit sa 8.000 euros.
Samakatuwid, ang mga manggagawa na kumikita ng higit kaysa sa pamantayan, bawat taon ay kailangang alamin ang pagkakaroon ng obligasyon sa paggawa ng dichiarazione dei redditi at ang kaukulang pagbabayad ng buwis.
Upang malaman kung dapat gawin o hindi ang dichiarazione dei redditi ay kailangang kumonsulta sa mga accountant o commercialisti o CAF taglay ang mga kinakailangang dokumento.
Ang accountant o commercialista o ang Caf operator, matapos ang pagsusuri sa lahat ng mga dokumentasyon, ay maaaring tukuyin kung obligado o hindi ang pagpa-file ng tax return at kung dapat bayaran ang buwis na tinatawag na IRPEF batay sa tinanggap na kita sa nakaraang taon.
Kung hindi gagawa ng dichiarazione dei redditi
Kung, sa kabila ng pagkakaroon ng isang sahod na higit sa 8.000 euros, at mayroong obligasyong mag-file ng tax return, ang worker na hindi susundin ang mga itinalaga ng batas ay maaaring patawan ng administrative sanctions tulad ng nasasaad sa (art. 1 talata 1 ng dlgs 4/1/1997):
• Hindi pagpa-file ng tax return kung may buwis na dapat bayaran: mula 120% hanggang 240 % ng dapat bayarang buwis, pinakamababa ang € 258.00;
• Hindi pagpa-file ng tax return kung walang buwis na dapat bayaran: mula sa pinakamababang multa ng 258,00 hanggang pinakamataas na multa ng 1032,00
• Pagkakaantala ng higit sa 90 days ng pagsusumite ng tax return: tulad ng nabanggit kung hindi magsusumite ng tax return
• Pagkakaantala hanggang 90 days ng pagsusumite ng tax return:1/10 ng pinakamababa o 1/10 ng € 258.00