Milan, Hunyo 4, 2014 -Isinagawa muli ang taunang Flores de Mayo at Santa Cruzan sa Milan. Ito ay isang tradisyon sa Pilipinas tuwing sasapit ang buwan ng Mayo.
Sa ika-walong pagkakataon ay muling nagtipon-tipon ang mga religious groups dito sa Milan upang ipagdiwang ang Flores de Mayo.
Nagsimula ang prosesiyon sa Basilica di San Ambrogio, ang patron ng Milan at nagtapos sa Basilica di Santa Maria delle Grazie. Doon ay idinaos ang pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen.
Sinundan ng banal na misa sa pamumuno ni Rev. Father Gian Carlo Quadri bilang kanyang huling misa para sa mga migrante sa pagtatapos ng termino bilang direktor ng Catholic Migrants sa Milan. Nakiisa rin sa pagdiriwang ng misa ang ilang kaparian tulad nina Father Rico, Father Emil, at Sri Lankan Priest na si Father Prinky.
Ayon kay Efren Montilliana, head ng Filipino Catholic Community of Milan o FCCM, taunang ginaganap ang Flores de Mayo at Santa Cruzan sa Milan Cathedral ngunit marami ang mga okasyon ngayong taon tulad ng binyag, 1st holy communion, “ kaya naghanap kami ng panibagong lugar at ibinigay naman ang San Ambrogio Church” paliwanag ng FCCM President.
Si Angelica Cabuhat buhat sa community ng San Tomaso ang itinanghal na Reyna Elena para sa taong ito matapos ang ginawang palabunutan. Samantala ang Reyna de los Flores naman ay si Pauline G
race Montilliana.
Bago pa man nagbigay ng huling basbas si Father Quadri ay nagpasalamat siya sa mga kababayan natin sa walang sawang pagsuporta sa bawat isa sa catholic community sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Hindi rin pinalampas ang pagkakataon ng Filcoms sa Milan upang pasalamatan din si Father Quadri sa walang tigil rin nitong suporta sa mga Religious Groups.
“Good luck on your new mission, we pray that you touch more lives wherever you go, our prayers will be with you”. Bahagi ng mensahe na binasa ni Montilliana para sa out-going director.
“You are the best filipino community in the world”, wika ng pari at malakas na palakpakan naman ang sagot ng komunidad. Mabilis na sinegundahan ng “sometimes”, pagbibiro ng pari at sinabayan ito ng ngiti. Ramdam ng mga kababayan natin ang pag mamahal ni Father Quadri dahil hindi niya iniwan ang mga ito hanggang sa pagtatapos ng termino bilang direktor ng catholic migrants.
Nakiisa sa pagdiriwang ang pamunuan ng Philippine Consulate sa pamumuno ni Consulate General Marichu Mauro kasama ang ilang opisyales sa kanyang tanggapan. (ulat at larawan ni: Chet de Castro Valencia)