Ang liver cirrhosis ay pagkasira ng atay. Ito ay komplikasyon sa atay na linalarawan ang pagkawala ng liver cells at hindi na maagapan pang pagkasugat o pag-scarring nito.
Ang atay ay pinakaimportanteng organ sa ating katawan. Ito ay gumagawa ng mga kritikal na trabaho.
Dalawa na dito ang pag-produce ng substances o pagproseso ng sustansiya na kailangan ng katawan, halimbawa ay paggawa ng clotting proteins na importante para ang dugo ay mag-clot, at ang isa pa ay ang paglinis sa dugo o pag-alis nito ng toxic substances o nakakalasong bagay na maaaring makasama sa katawan, halimbawa na dito ang bawal na gamot.
Ang atay rin ang responsable sa pag-regulate ng supply ng Glucose o sugar, Lipids o taba na ginagamit ng katawan para gumana ito. Upang magampanan ang mga responsabilidad na ito, kailangang mag-function ang liver cells nang normal. Ngunit sa cirrhosis, dahil mayroong pagkasira ng liver cells, nahihirapan o hindi nagagampanan ng atay ang kaniyang mga gawain nang mabuti. Ilan sa resulta nito ay ang hindi paglabas na mabuti ng mga toxic substances sa katawan, at ang hindi wastong pagkagamit o produce ng taba.
Kabilang ang alcohol at iba pang sakit na dahilan ng liver cirrhosis tulad ng Hepatitis B at C, ang pumapatay sa liver cells. Matapos ang kaganapang ito, ang atay ay hinihilom ang mga sugat at ang resulta ay scar tissue formation. Ang liver cells na hindi naman namatay ay pinupunan ang nawalang mga cells sa pamamagitan ng pagpapadami pa nila sa kanilang mga sarili. At ito ay nagreresulta ng newly-formed liver cells “regenerative nodules” kung tawagin na nasa loob ng scar tissue.
Maraming sanhi ang liver cirrhosis. Kabilang dito ang chemicals tulad ng alcohol, taba, at ilang medikasyon, viruses, nakalalasong chemicals tulad ng iron at copper na naiipon sa atay dahil sa resulta ng ilang genetic disease at autoimmune liver diseases na kung saan ay ang cells mismo ng katawan ang sumisira ng kaniyang atay.
Kadalasan walang makikitang sintomas ang liver cirrhosis hangga’t hindi pa ito lumalala. Ang mga common na sintomas ay ang paninilaw ng balat dahil sa accumulation ng bilirubin sa dugo, madaling makaramdam ng pagod o panghihina, madaling pagkapuyat, walang ganang kumain, pangangati, madaling pagkasugat at pagdurugo o pagkaroon ng pasa dahil sa kaunti na lamang na nagagawang clotting factors sa dugo, accumulation ng tubig sa tiyan at pamamaga ng mga binti, pakiramdam na nasusuka, at pagbaba ng timbang.
Kapag hindi naagapan ng maaga ang liver cirrhosis, maaari itong magdala ng komplikasyon tulad ng edema at ascites – ang pagkakaroon ng tubig sa parte ng katawan tulad ng tiyan at mga binti dahil sa hindi paggawa ng protina ng dugo ang atay. Ang Spontaneous Bacterial Peritonitis ay isa ring komplikasyon kung saan nagkakaroon ng impeksiyon ang tiyan. Meron ding Portal Hypetension o pagdurugo sanhi ng pagtaas ng presyon sa pangunahing ugat ng daluyan ng dugo sa atay at hindi na maganda ang blood flow dito. Madaling nagkakasugat ang pasyente. Malnutrisyon dahil nahihirapan ang atay sa pagproseso ng sustansiya na maging sanhi ng kahinaan ng katawan at pagbaba ng timbang. Hepatic encephalopathy na kung saan napakaraming toxins sa dugo na hindi kayang alisin ng atay at ito ay nagdudulot ng pagkalimot sa sarili at nahihirapang mag-isip o mag-concentrate ng maayos. Kapag malala na, maaari itong maging sanhi ng coma. Isa pa sa komplikasyon ay ang mataas na posibilidad na magkaroon ng liver cancer.
Mga uri ng pagsusuri upang malaman kung ano ang sanhi ng liver cirrhosis: i) Blood test kasama na ang blood count, bilirubin test, liver function test at iba pang paraan; ii) Imaging procedures katulad ng CT Scan, Ultrasound at Magnetic Resonance Imaging; at iii) Liver biopsy o ang pagsusuri sa atay sa pamamagitan ng pagkuha ng tissue sample.
Kapag ang liver cirrhosis ay nabigyan ng lunas sa simula pa lamang, posibleng mabawasan ang pagkakaroon ng lubusang pagkasira sa atay. Ang paglunas sa cirrhosis ay nagdedepende sa sanhi at extent ngliver damage. Ang layunin ng gamutan ay ang pagbabagal sa pag-progress ng scar tissue at iwasan ang mga komplikasyon.
Lunasan ang alcohol dependency. Kung nahihirapang pigilan ang pag-inom ng alak, maiging kausapin ang iyong doctor. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iyong doctor, maaaring mabigyan pansin ang iba pang mga problema na pinagdadaanan tulad ng pag-aalala, anxiety o depression. Maaaring magbigay ng mga rekomendasyon ang iyong doctor tungkol sa mga rehabilitation programs o support groups gaya ng Alcoholics Anonymous upang matugunan ito. Maaari ring makatulong ang pakikipag-usap sa iyong pamilya at mga kaibigan.
Para sa liver cirrhosis na ang dahilan ay Hepatitis, may mga gamot para sa viruses na kailangang inumin. Magpabakuna laban sa hepatitis. Huwag makigamit sa mga karayom na ginamit sainjections upang maiwasan ang pagkakaroon ng hepatitis. Ang pakikipagtalik ng walang proteksiyon ay iwasan.
Low Sodium diet upang maiwasan ang pamamaga ng mga binti. Sa halip na asin, gumamit ng mga herbal seasoning bilang pampalasa ng pagkain. Kapag ang pamamaga ay malubha, ang pag-alis ng liquid build-up o operasyon ay gagawin upang ito ay mawala.
Kumain ng masustansiyang pagkain lalo na ang gulay at prutas, whole grain food, at pagkaing mayaman sa protina. Iwasan ang mga pagkain niluto sa mantika o maraming taba. Panatilihing tama ang timbang ng katawan.
Endoscopy upang makita kung may pagdurugo sa mga ugat ng lalamunan at tiyan. Pag-inom ng gamot upang mapigilan ang pagtaas ng presyon ng dugo. Operasyon upang malagyan ng stent ang portal vein upang makadaloy ang dugo.
Antibiyotiko para sa impeksiyon. Maaaring iwasan ang impeksiyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga taong maysakit, at madalas na paghuhugas ng mga kamay. Ang pagbabakuna laban sa pulmonya at influenza ay mainam ding gawin.
Liver cancer screening kasama ang pagsusuri sa dugo at ultrasound upang makita kung may mga sintomas ng kanser sa atay. Pag-inom ng gamot para sa hepatic encephalopathy.
Liver transplant surgery kapag nagkaroon ng liver failure. Ang liver transplant ay isang major operation upang alisin ang sirang atay at upang mapalitan ito ng malusog na atay na manggagaling sa isang donor. Maaaring magkaroon ng liver transplant pagkalipas ng panahon ng abstinence o hindi pag-inom na kadalasan sa loob ng 6 na buwan. Pagkatapos ng liver transplant ay kailangan nang tumigil sa pag-inom ng alak habambuhay dahil ang pag-inom ay maaaring makasira din sa bagong atay.
Pag-iwas sa self-medication. Huwag basta-basta uminom ng mga gamot na nabibili nang walang reseta. Mahihirapan ang atay sa pag-alis ng mga gamot na ito sa katawan na magiging sanhi ng lalo pang pagkasira sa atay. Ang mga Aspirin, Ibuprofen at Naproxen ay dapat iwasan. Maaaring magrekomenda ang doktor ng mababang dosage ng Acetaminophen upang maiwasan ang pagkaramdam sa sakit subalit ito din ay maaaring magdulot ng panganib sa atay.
Ang malusog na pamumuhay pa rin ang mabisang panlaban sa liver cirrhosis.
GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
(ni: Loralaine R. – FNA Rome)
Sources: www.health.wikipilipinas.org , www.buhayofw.com