Roma, Disyembre 24, 2014 – Napakarami na ang Pasko na nagdaan sa ating matagal na pamamalagi dito sa bansang Italya. Ngayon, bukas ay Pasko na at muli na naman natin itong ipagdiriwang. Karamihan sa atin ay may kaniya-kaniyang kaisipan o pananaw ukol sa napaka-importanteng araw na ito at magkakaiba-iba rin ang ating mga kaugalian kung paano ito ipinagdiriwang. At para sa ating mga Kristyanong Pilipino ay hindi ito nangangahulugan lamang ng mga regalo, parol, pagsasaya at maraming pagkain, mas malalim o mas mahalaga pa ang tunay na kahulugan nito sa atin. Naniniwala tayo na ito ay araw ng malaking kaligayahang galing sa kalangitan dahil inialay ng Diyos sa mundo ang kanyang kaisa-isang anak na tagapagligtas na si Hesukristo.
Sa karamihan, ang Pasko ay nanguhulugan ng isang masayang pagtitipon-tipon at pagsasalo-salo ng pamilya at mga kaibigan. Maaring tunay iyan sa ating mga kapwa Pilipino dito sa Italya dahil kasama na nila ditong naninirahan ang kanilang mag-anak. Ngunit marami parin sa mga kababayan natin ang nasa Pilipinas ang mga mahal sa buhay at ito ay nangunguhulugan ng isang ‘Paskong kulay asul’ na tinatawag natin, malungkot at hungkag na Pasko. Sa kabila ng lahat nang ito, ang Pasko, ang ipinagdiriwang nating araw ng kapanganakan ng tagapagligtas na si Hesukristo, ay nagsisilbing isang inspirasyon, nagbibigay ng saya at nagbibigay lakas ng loob sa ating lahat na nahihirapan, nalulungkot at pagal na sa paghahanap buhay dito sa ibang bayan. Nagpapatuloy tayong humarap sa mga pagsubok at hirap ng buhay dahil alam nating ang Pasko ay may dalang pag-asa at kaligtasan.
Sa Paskong ito, ang mensahe sanang makita at madama natin, sa bawat tunog ng kampana ng bawat gabi ng simbang gabi, sa harapan ng mga masasaganang pagkain, masasayang mukha ng bawat kasamang nagdiriwang, kahit na tayong mga Pilipino dito sa Italya kung minsan ay nagkakahiwa-hiwalay dahil sa pagkakaiba ng kaisipan at pananaw, ay ang walang hangang ligaya, pag-asa, kapayapaan at pagkakapatiran dahil sa Pag-ibig ng Diyos Ama sa sangkatauhan. At mapagtibay sana lalo ang ating paniniwala na si Hesukristo ay anak ng Diyos na tagapagligtas.
Ang mga Siklistang Pilipino dito sa Roma ay bumabati sa inyong lahat ng isang Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]