Sa kasalukuyan, ako ay mayroong permesso di soggiorno per attesa occupazione. Ang aking employer sa babysitting ay binabayaran ako ng ‘buoni lavoro’ o ‘voucher’. Maaari ba akong makapag-renew ng permesso di soggiorno sa ganitong uri ng trabaho?
Roma – Lahat ng uri ng trabaho na binabayaran sa pamamagitan ng ‘buoni’ o ‘voucher’, ay pansamantalang trabaho lamang at hindi nangangailangan ng isang angkop at tunay na kontrata para sa subordinate job dahil ang mga ito ay okasyunal lamang. Sa katunayan, ang ganitong uri ng trabaho ay mas kilala bilang “lavoro accessorio”.
Kahit na ang taunang natatanggap buhat sa mga ganitong uri ng trabaho ay balido at kinikilala bilang sahod upang maabot ang halagang kinakailangan sa paga-aplay ng permit to stay, hindi maaaring mag-aplay para sa releasing o renewal ng permesso di soggiorno kung ‘lavoro accessorio’ lamang ang natatanging trabaho. Ito ay nasasaad sa Circular n. 4/2013 ng Ministry of Labor.
Ipinapaalala, samakatwid, para sa paga-aplay ng permesso per lavoro subordinato, ang dayuhang walang dependents o ‘carico’ ay kailangang patunayan ang pagkakaroon ng gross income na katumbas ng assegno sociale, hal. € 5,818.93 para sa taong 2014, habang ang permesso per lavoro autonomo, ang minimum amount ay kinakailangang mas mataas sa hinihingi ng batas dahil sa exemption sa health expenses o humigit-kumulang na € 8500. Sa kasong mayroong dependents o ‘carico’, ang halaga ay kinakailangang mas mataas batay sa bilang ng miyembro ng pamilya.
Ang lahat ng mga non-EU nationals na mayroong balidong permit to stay na nagpapahintulot upang makapag-trabaho (maging ang mga estudyante na mayroong permesso per studio), ay maaaring magtrabaho tulad ng ‘lavoro accessorio’. Kahit na ang mayroong permesso di soggiorno per attesa occupazione, at tumatanggap ng unemployment allowance, ay maaaring tumanggap ng ‘buoni’ o ‘voucher’ ng hindi maaapektuhan ang tinatanggap na allowance. Ngunit tandaan na ang pagkakaroon ng ‘lavoro accessorio’ lamang ay hindi sapat para sa releasing at renewal ng permit to stay para sa trabaho.,
Bilang pagtatapos, ang pagbabayad ng ‘buoni lavoro’ tulad ng nasasaad sa batas, ay isang paraan upang ma-protektahan ang worker. Ang natatanggap na buoni ay exempted sa lahat ng uri ng buwis at hindi nakaka-apekto sa estado ng pagiging unemployed. Bukod dito, ang pagbabayad ng buoni lavoro ay nagbibigay rin ng coverage sa social security (Inps) at insurance (Inail). At dahil sa nagbibigay ito ng coverage ng social security, ito ay kinikilala rin para sa pensyon ngunit HINDI nagbibigay ng anumang karapatan sa mga benepisyo na ibinibigay ng Inps na ibinabatay sa sahod ng manggagawa tulad ng l’indennità di disoccupazione, la maternità, la malattia, gli assegni familiari at iba pa.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]