in

Mga Dapat Malaman Tungkol sa ‘KISSING DISEASE’

Ang buwan ng Pebrero ay panahon ng pag-ibig. Ipinagdiriwang ng mag-asawa, magkasintahan o magkarelasyon ang kanilang pagmamahalan. Ipinapakita o ipinapadama ang pagmamahal gamit ang mga salitang may kaugnayan sa pisikal na paglalambing katulad ng haplos, yakap at halik.

 

Ang halik, bukod sa ito ay simbolo ng pagmamahal,  ito ay nakakapagpapasaya dahil naglalabas  ang katawan ng “feel goodchemicals, nagpapabuti sa puso at relasyon, nagbabawas ng tension at agam-agam, tumutulong mapalakas ang immune system, nagpapawi ng sakit o kirot sa katawan, nagpapaganda ng itsura, at naeehersisyo angmuscles sa mukha o nauunat ang mga wrinkles. But… be a responsible kisser! Dahil sa halik, maaari kayong makakakuha ng mga sakit tulad ng sipon, meningococcal disease, tooth decay at infectious mononucleosis o kissing disease.

Ang Infectious Mononucleosis o Kissing Disease ay isang nakakahawang sakit na dulot ng Epstein-Barr Virus (EBV) na maaaring makapinsala sa atay, lymp nodes at oral cavity. Ang halik ay ang pinaka-karaniwang paraan para mahawa rito, kaya ito ay tinatawag ding ‘mono’ o ‘kissing disease’ na matatagpuan sa laway, uhog o secretions mula sa ilong at lalamunan o sa pamamagitan ng luha. Naaapektuhan ng virus ang tipo ng Puting Dugong Sellula (WBC) na tinatawag na B lymphocyte na gumagawa ng atypical lymphocytes na makakatulong sa pag-diagnose sa sakit na ito.

Maaaring magkaroon ng mononucleosis ang isang tao mula sa edad na 15-35 taong gulang, at mas higit na matatagpuan sa mga teenagers o college students. Ang sakit ay tumatagal ng 4-6 na linggo sa mga taong may normal na paggana ng kanilang sistemang imyuno. Pero sa mga taong mas mahina ang resistensiya o immune system, katulad ng pasyenteng may AIDS o mga pasyenteng sumailalim sa organ transplants, ay partikular na mas nakakaramdam ng mga komplikasyon ng sakit na ito.

Ang EBV na sanhi ng Infectious Mononucleosis ay katulad sa mga Herpes Virus, na siyang sanhi ng cold sore o butlig, chicken pox at shingles. Ang tao ay nae-exposed sa sakit na ito nang hindi namamalayan. Ito ay nakukuha o naikakalat sa pamamagitan ng virus-infected saliva o laway sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo, paghalik o pakikipag-share ng basong inuman o kubyertos.

Maaaring makakaramdam ng panghihina o sobrang pagkapagod, pamamaga ng lalamunan, mapula at namamagang tonsils, lagnat at panginginig, pagsusuka, kawalang-gana sa pagkain, pamamaga ng mga kulani sa leeg at kili-kili, pananakit ng ulo o kalamnan at kasu-kasuan, paglaki ng pali (spleen), jaundice o paninilaw ng balat at skin rashes.

Mga komplikasyon ay maaaring ang pansamantalang paglaki ng pali o spleen at ang pamamaga ng atay. Ang pali ay isang malaking glandulang nasa loob ng tiyan. Kabilang sa ilang mga trabaho o gawain ginagampanan nito ang paggawa ng mga Puting Dugong Sellula (WBC) upang makapananggalang o makalaban sa mga bakterya, at para rin sa pagdurog o pagwasak ng mga sirang Pulang Dugong Sellula (RBC). Ito rin ang sumasala at nagpapaimbak ng dugo. Dahil sa malambot na organo ang pali, maaari itong pumutok at makakaranas ang pasyente ng matinding sakit sa kaliwang tagiliran ng tiyan. Ito ang sintomas na nangangailangan ng maagapang pagsusuring medikal! Kabilang pa ang light headedness, mabilis na kabog ng dibdib, at nahihirapang huminga. Maaari ring magdulot ng komplikasyon sa utak at puso, at pagkasira sa mga RBC o Platelets ng dugo.

Ang taong nagdadala ng virus na ito ay maaaring makakahawa sa ibang tao mula sa araw ng incubation period hanggang sa 5 buwan pagkatapos mawala na ang mga sintomas. Habang-buhay na taglay ang virus kahit walang nararamdamang sintomas. Paniniwala ng marami na hindi makukuha ang EBV sa mga kasambahay o sa loob ng dormitoryo, maliban lamang kung may direktang kontak sa pamamagitan ng laway sa infected na pasyente.

Kung ang sintomas ay naihahambing sa sintomas ng cold sore o butlig o pamamaga ng labi na tumatagal hanggang 2 linggo, maaaring possible  ang pagkakaroon ng mononucleosis. Kung ang iyong doctor ay may hinala ng mononucleosis, gagawan ka ng physical examination, kasama na ang ‘Monospot’ antibody blood test na magbibigay indikasyon sa pagkakaroon ng antibody kung may impeksiyon sa EBV. Maaaring hindi ito makita kaagad hanggang sa 2-3 linggo ng pagkahawa sa sakit.

Ang pinakamabisang paggamot para sa Infectious Mononucleosis ay pahinga at paunti-unting pagbabalik-gawain sa araw-araw. Sa mga may hindi malubhang kaso, maaaring hindi mangangailangan ng matinding pahinga subalit nararapat na limitahan ang kanilang gawaing pang-araw-araw. Ang pagpupuwersa o pagbubuhat sa mga gawaing panlaro o pisikal ay kailangang iwasan hanggang mawala ang mga sintomas, dahil maaaring maging sanhi ng pagputok o pagkapinsala ng pali.

Ang pamamaga ng lalamunan at dehydration ay maiibsan sa pamamagitan ng pag-inum ng tubig atfruit juices. Ang pag-gargle o pagmugmog ng salt water at pag-inum ng Lozenges ay makakatulong mapawi ang sintomas. Maaari ring uminom ng Acetaminophen o Ibuprofen para sa lagnat at pananakit ng ulo at katawan. Iwasang uminom ng Aspirin sa kadahilanang pinalalala nito ang kondisyon na Reye’s Syndrome, isang sakit na naihahambing sa mononucleosis. Hindi ipinapayo ang pag-inum ng Antibiyotiko dahil walang epekto ito sa EBV. Cortisone at anti-inlammatory medications ang ibinibigay na gamot sa malubhang kondisyon ng pamamaga ng tonsils at lalamunan. Pagsasalin ng dugo sa malubhang anemia. At Splenectomy sa pagputok ng pali.

Ang paggaling sa Infectious Mononucleosis ay depende sa haba at lubha ng kondisyon. Maaaring makabalik sa normal na gawain ang isang tao sa loob ng 2-3 linggo lalo na kung isinaalang-alang ang pagpapahinga. Aabutin ng 2-3 buwan bago manumbalik ang buong-lakas ng pasyente. Bagamat sa mga kabataan ay mahirap silang  pigilan sa kanilang mga aktibidades kaya karamihan sa kanila ay nakakaranas ng pagkabinat orelapse sa sintomas ng sakit.

Isang doctor ang nagsabi na,“The best medicine for human is LOVE. If it doesn’t work,.. INCREASE THE DOSE!”.. Happy Valentine’s! 

 

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

Loralaine R. – FNA-Rome

Sources: www.wikipedia.org,

www.health.wikipilipinas.org,

www.mayo.clinic.com

www.thefreedictionary.com,

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Paano mapapatunayan ng isang colf ang sahod kung walang CUD

Stunning devices, iwasang dalhin sa hand-carried o check-in luggage