Tinatayang 80% ang average ng mga pumapasa, ngunit ang datos na ito ay malaki ang pagkakaiba sa iba’t ibang prefecture. Bukod dito, karaniwang ang liham kung saan nasasaad ang petsa ng pagsusulit, higit na kilala sa tawag na ‘appointment o convocazione’ ay naaantala ang dating sa mga imigrante. Narito ang ulat ng Viminale.
Roma – Pebrero 23, 2015 – Walang duda na ang kaalaman sa wikang italyano ay mahalaga sa pamumuhay sa Italya. Ito ay makikita rin maging sa Batas ng Imigrasyon dahil simula noong 2010 ay obligadong ipasa ang pagsusulit sa wikang italyano nang sinumang naga-aplay para magkaroon ng EC long term residence permit o ang kilalang carta di soggiorno.
Ang pagsusulit ay ino-organisa ng mga sportelli unici per l’immigrazione ng mga prefectures. Ang mga sumasailalim sa pagsusulit ay nakikinig sa recorded conversation, nagbabasa ng mga kwento sa wikang italyano at pagkatapos ay sasagot sa ilang mga katanungan upang masuri ang antas ng pang-unawa. Sinusubukan din ang kakayahang magsulat sa pamamagitan ng maikling liham na humihingi ng tawad o sa pamamagitan ng pagpapadala ng postcard.
Walang imposible, lalo na sa mga nagsusumikap, ika nga. Kaugnay nito, ayon sa isang ulat na inilabas ng Ministry of Interior kamakailan, sa katunayan, mula Dec 9, 2010 (simula ng pagpapatupad ng batas) hanggang Feb 11, 2015, ay sumailalim sa nasabing pagsusulit ang 483,000 imigrante at 386,000 o ang halos 80% ang nakapasa.
Tinatayang 650,000 imigrante ang binigyan ng appointment ng Sportello Unico at 139,000 ang hindi sumagot sa tawag na ito. Ang tanggapan kung saan higit na nagbigay ng ‘appointment o convocazione’ ay ang Milan prefecture na may kabuuang bilang ng 59.666 appointments (o convocazioni), Roma 46.858 at Brescia 26.960. Sinundan ng Bologna 18.237, Bergamo 17.532, Firenze 17.165 at Napoli 16.079.
Kaugnay dito, ang datos ng resulta ng mga pagsusulit ay nakasalalay din kahit papaano sa mga lugar kung saan higit na ginagawa ang mga pagsusulit.
Kung ang national average ng mga nakapasa ay 80%, ay kapansin-pansin ang malaking pagkaka-iba ng mga resulta sa bawat lalawigan. Kung isasaalang-alang ang mga malalaking lalawigan kung saan mas mataas ang demand tulad sa Napoli kung saan ang pagsusulit ay naipasa ng 90% habang sa Brescia ay naitala ang 67% lamang. Paano ito maipapaliwanag? Ang mga imigrante ba sa Brescia ay hindi matuto ng wikang italyano, hindi tulad ng mga imigrante sa Napoli? O dahil minalas sila, hindi naipasa ang test dahil mas mahigpit ang komisyon?
Iba pang interesadong datos ay ang panahon ng pagdating ng appointment o convocazione.
Sa implementing rules ng Ministry of Interior (DM June 4, 2010) ay nasasaad na “ang dayuhan ay magsusumite online ng request upang sumailalim sa pagsubok ng wikang italyano sa prefecture” at ang prefecture ay “magbibigay ng appointment sa loob ng 60 araw mula sa araw ng request”.
Sa kabila nito, ang 46% ng mga appointment ay natatanggap makalipas ang 2 buwan mula sa pagsusumite ng aplikasyon. At dahil national average ang usapan, ang Milan na nangunguna sa listahan ng pinaka maraming appointments, ay 73% naman ang naitalang delayed ng mga convocazione habang sa Napoli naman ay 90%.
Kinumpirma naman ito ng mga Sportelli Unici at ito diumano ay nangangailangan ng higit na instrumento lalo na ng higit na empleyado upang mabawasan ang burukrasya sa imigrasyon. Kung hindi, ang mga naka-pending ay lalong madadagdagan at ang mga dayuhang mamamayan ay walang ibang dapat gawin kundi ang maghintay.