Idinaos ang unang pambansang pagpupulong ng OFW Watch Italy. Inilahad ang pambansang sitwasyon ng mga OFW sa bansa at sinundan ito ng malayang talakayan.
Bologna, Pebrero 26, 2015 – Matagumpay na naidaos ang unang pambansang pagpupulong ng mga bumubuo ng OFW WATCH Italy at ang pambungad nitong paglalahad sa pambansang sitwasyon ng mga OFW sa Italya at pagkaraan nito ay ang malayang talakayan, na ginanap noong ika-22 ng Pebrero, 2015, Linggo, sa Centro Interculturale Zonarelli sa Via Sacco 14 sa Bologna. Ito ay dinaluhan ng halos pitumpung (70) indibidwal, mga lider at miyembro ng iba’t ibang pederasyon at organisasyon , mula sa labindalawang (12) siyudad/lugar ng Italya (Bologna, Torino, Firenze, Milan, Roma, Genova, Cuneo, Veneto, Modena, Mantova, Vicenza at Empoli ). Ang paghahanda ng aktibidad ay naisagawa sa tulong ng Federation of Filipino Associations ng Bologna.
Nahahati sa dalawang bahagi ang programa kung saan ang unang bahagi ay isang power point presentation ng sitwasyon ng mga Filipino workers, na mabisang nailahad ng Pangkalahatang Kalihim ng grupo na si Rhoderick Ople mula sa Firenze. Pagkaraan nito ay isang maiksing talakayan kung saan ay nagkaroon ng pagkakataon ang ilang kababayan na magtanong hinggil sa mga isyung kinakaharap ngayon ng mga manggagawang Pilipino, mga sentimyento at maging mga pahayag at paglilinaw kung ano ba ang tunay na layunin ng itinatag na grupo at ang magiging papel nito sa pagpoprotekta sa mga karapatan ng mga kababayan. Ang mga ito ay malumanay na natugunan ng tagapagsalita at maging ng ilang mga kasama. Nabigyang-diin ang pagkakaisa sa layunin at pagkakaroon ng isang malakas na boses, patunay lamang sa kasabihang katulad ng walis tingting, hindi ito magiging mabisa sa kanyang gamit kung hindi matibay na nabibigkis. Kaya ang susi sa pagtatagumpay ay ang tunay at matibay na pagkakaisa.
Ang ikalawang bahagi ay ang pagpupulong na ng Ad Hoc Committee na binubuo nina Pangulo Dionisio Adarlo, Pangalawang Pangulo Aurelio Galamay, Pangkalahatang Kalihim Rod Ople at Tagapagsalita Noel Gofredo, kasama ang mga miembro ng pambansang konseho. Dito ay pinag-usapan ang mga isyu ukol sa nakaraang dalawang dayalogo na naganap sa Opisina ng Konsulato sa Milano at sa Embasi ng Pilipinas sa Roma noong nakaraang buwan ng Enero. Pinagkasunduan din ang mga ginawang resolusyon at kampanya hinggil sa Owwa Omnibus Policy, ang No to 550 Terminal fee , ang mga isyu ukol sa pagdaraos ng Mobile Consular Services at maging ang mga kasalukuyang matataas na singil sa serbisyo pangkonsulato.
Sa pulong ding ito, pinagtibay ang konsepto at layunin ng OFW Watch, pinag-aralan ang Konstitusyon at Batas na siyang magiging gulugod ng samahan, pagbibigay ng mga mungkahi para sa pangkalahatang programa ng pagkilos, pagpapakilala sa OFW Watch News and Stories na siyang online na pahayagan ng grupo, pagbubuo ng isang Facebook group page para sa mabisang komunikasyon ng mga miyembro at pagtatakda sa araw ng Pangkalahatang Kongreso na gaganapin sa Firenze sa ika-19 ng Abril, 2015.
Masasabing naging matagumpay ang unang pagpupulong na ito dahil sa mga napagkasunduang mga konsepto, layunin, resolusyon at mga programa ng pagkilos. Maging ang naunang talakayan ukol sa isyu at sitwasyon ng mga Ofw sa Italya ay positibo din ang naging epekto sa pagmumulat sa mga nagsidalo. At naging malinaw din sa lahat na ito ay isang samahan na tututok sa mga isyung may kinalaman sa mga OFW at makikiisa sa mga ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas, maging ng sa Italya, sa mga programa nito na tunay na magsusulong sa kagalingan ng mga Pilipino at kung kinakailangan ay nakahanda rin namang magbigay ng suhestiyon sa mga isyung hadlang sa karapatan ng mga kababayan. Kaya umaasa ang kabuuan ng grupo na mapapalaganap pa sa iba pang mga pederasyon at organisasyon sa buong Italya ang OFW WATCH bilang tunay na tagapagtanggol sa mga karapatan at tagapagbunsod sa kapakanan at kagalingan ng mga Pilipinong manggagawa sa Italya.
Dittz Centeno-De Jesus
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]