Milan, Marso 6, 2015 – Ang Milan, Italy ay kilalang fashion city hindi lamang sa Europa kundi sa buong mundo, kung kaya’t walang tigil ang pagsasagawa ng mga fashion shows at exhibits sa buong taon.
Sa Milan Fashion Week 2015, na nagsimula sa mga huling araw ng Pebrero hanggang sa unang linggo ng Marso, ay namataan din ang isang pinay designer sa kanyang galing at partiklar na bags and accessories collection.
Siya si Marjorie Renner, kasal sa amerikanong negosyante at may tatlong anak, tubong Cotabato City na ngayo’y nakabase sa Paris, France ng mahigit limang taon na.
Isang dating fashion model sa Pilipinas, ngayon ay isang matagumpay na designer ng mga bags and accessories. Sa katunayan, ang kanyang mga buyers ay mula pa Germany, Austria, USA at iba pang bansa.
Sa unang pagkakataon, si Renner ay lumahok sa nasabing fashion week kung saan niya ipinagmalaki ang kanyang mga designed bags at accessories na ang mga raw materials ay galing pa sa Pilipinas.
Ang mga produkto ni Renner ay nai-display sa isang 5 star hotel sa Milan partikular sa Montenapoleone para sa isang press presentation.
Ang mga produkto ay gawa sa kamagong, kawayan, mga seashells, balat ng ahas at mga sungay ng hayop.
Sinabi rin niya na karamihan ng mga mineral stones at beads ay galing sa Pilipinas, ang iba naman ay galing sa mga bansang Brasil at India.
Nahati sa tatlong bahagi ang kanyang mga displays, ang 24 karat dipped brass bags and accessories ng Luzon, na kung tawagin niya ay high-end designs. Ang Visayas na gawa naman sa seashells, balat ng ahas at adobe at ang Mindanao ay mga inspired ethnic designed bags.
Bukod dito, isang bahagi ng kanyang display na bags at accessories ay binansagang MAGNITUDE 7.2. Ito ay dahil sa malakas na lindol na tumama sa Central Visayas partikular na sa probinsiya ng Bohol noong 2013.
At sa pamamagitan ng Magnitude 7.2 displays, bahagi ng mabebentang produkto mula dito ay iaambag na tulong sa mga foundations at centers para sa mga nangangailangang kababayan sa Central Visayas. Samantala, mahigit 60% naman ay mapupunta sa mga scholars o mga batang pinapaaral na ilan sa mga ito ay nasa kolehiyo na.
Kaugnay nito, dagdag pa ni Renner, ay iminungkahi ng kanyang mga anak “na mag-design din ng mga bags para sa mga kabataan.”
Sa apat na araw na pamamalagi ng mag-asawang Renner sa Milan ay dinumog ng mga local and international media outfit ang kanyang exhibit, mula tv hanggang print media.
Masayang kwento pa ng designer na inimbitahan siya ng Philippine General Consulate in Milan sa June 14, kung kaya’t siya ay babalik at makikiisa sa Filipino community sa Milan sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Bilang pagtatapos, dagdag pa ng designer, na balak din niyang lumahok sa Milan Expo 2015 sa darating na Mayo.
Chet de Castro Valencia