Ang University of the Philippines Concert Chorus (UPCC) na higit na kilala bilang KORUS ay dumating sa Roma noong Mayo 21 hanggang Mayo 25.
Roma, Mayo 29, 2015 – Matagumpay na inilunsad noong Mayo 22, 2015 ang UPCC 2015 European Tour sa isang Gala Concert na ginanap sa Teatro Aurelio sa Roma. University of the Philippines Concert Chorus (UPCC) na higit na kilala bilang KORUS ay dumating sa Roma noong Mayo 21 hanggang Mayo 25.
Ang grupo ay pinangungunahan ng kanilang Artistic Director at conductor na si Prof. Janet “Jai” Sabas –Aracama at ni Alexis Jan “Agoy” Patacsil, Tour Manager. Bukod sa Roma, ang 24 na miyembro ng Korus ay magpapakita ng galing sa pag-awit sa Milano, Vicenza at Verona pagkatapos ay tutungo din sila sa mga bansa ng Europa tulad ng Switzerland, Austria, Czech Republic, Germany, Belgium, France, at Spain. Pupunta rin ang koro sa Cracow, Poland upang lumahok sa isang International Choir Competition. Pansamantalang maninirahan ang grupo sa mga bansang nabanggit hanggang 21 ng Hulyo at sisimulan naman ang ikalawang yugto ng S’aliw Himig Concert Tour 2015 sa mga siyudad ng America tulad ng New York, New Jersey, Beaumont, Dallas Vancouver, at Honolulu. Ang UPCC 2015 Tour na sinimulan sa Roma ay magtatapos sa isang pagtatanghal sa Guam, USA sa ika-22 ng Agosto.
Ang Gala Concert sa Roma ay dinaluhan naman ng maraming ofws na naninirahan sa siyudad pati na rin ng ilang mga italyano at dayuhang kaibigan ng komunidad. Ang concert ay binigyang simula sa pag awit ng Pambansanang awit ng Pilipinas at Italya kasunod ay ang dalawang yugto ng mga awiting pang koro tulad ng KRUHAY, UMMAH SALIH, HATAW NA, ABBA MEDLEY, WIND BENEATH MY WINGS at marami pang iba.
Bukod sa Gala Concert, ang ENFiD-Italy, ang organisasyong nagkalinga at nag-organisa ng mga aktibidad ng Korus sa Roma, ay nagsagawa din ng isang workshop kung saan si Madam Jai ay nagturo ng mga teknikalidad sa pag-awit sa ilang mga kabataang miyembro ng Pinoy Teens at ng Acoustic Band pati narin ng ilang mga miyembro ng mga koro ng simbahan at singers ng mga band groups dito sa siyudad. Ito ay matagumpay na naisagawa sa pakikipagtulungan ng asosasyong Commission for Filipino Migrants Workers –Italy (CFMW-Italy) sa kanilang Munting Tahanan Social Hall sa Via Bonaventura Cerretti 55, Roma noong Mayo 23.
Noong linggo, Mayo 24 naman ay dalawang misa-konsyerto ang isinagawa sa pakikipagtulungan ni Fr. Ricky Ignacio, paring filipino na paroko ng isang simbahan para sa mga naninirahan sa Ponte Galeria, Roma. Ang simbahan ni Fr, Ricky ay punong-puno ng mga parokyanong italyano dahil na rin sa nataong First Communion Mass ng mga bata ng nasabing lugar sa Roma. Ang UPCC ay umawit sa misa at pagkatapos ay nagharana sa mga bisita ng simbahan. Matapos ang tanghaliang ipinarangal ng pari sa grupo ay umawit silang muli para sa mga tauhan ng simbahan. Bandang hapon naman ay nagtungo ang grupo sa Basilica di S. Pudenzana sa Via Urbana 161 kung saan naroon naman ang parokya ng mga Ofws sa Roma sa pamumuno ni Fr. Ricky Gente. Ito ay dinaluhan naman ng mga pilipinong hindi nakapanood ng konsyerto noong Biyernes. Ang misa ay pinangunahan ni Mons. Jerry Bitoon na Presidente din ng nag organisang samahan, ang ENFID-Italy. Matapos ang misa ay nagbigay ang grupo ng isang mini-concert kung saan sila ay umawit ng mga kilalang awitin tulad ng LET IT BE, ONEWORLD ONE VOICE ONE SONG, AWITIN MO ISASAYAW KO, at marami pang iba.
Ang matagumpay na pagtatanghal ng KORUS ay bunga ng masusing plano na sama-samang binuo ng mga aktibong miyembro ng ENFID-Italy sa pamumuno ni Romulo S. Salvador, Bise Presidente at UPCC Rome Tour Coordinator. Ang Gala Concert, Workshop at mga Misa-konsyerto ay natuloy salamat na din sa maraming sponsors, mga foster families at mga volunteers.
ni: Tomasino de Roma
larawan ni: Beatrice Baldassera at Boyet Abucay