Isang tagubilin buhat sa INPS ukol sa hiring o page-empleyo ng mga seasonal workers. Sa unang pagkakataon, mga seasonal workers mula sa South Korea.
Roma – Hunyo 5, 2015 – 13,000 non-EU seasonal workers ang maaaring pumasok sa taong ito para sa sektor ng agrikultura at turismo. Hanggang sa katapusan ng 2015, ang mga employers ay maaaring magsumite on line ng aplikasyon sa page-empleyo ng mga seasonal workers.
Malaking bahagi ng 13,000 entries ay naitalaga na ng Ministry of Labor sa iba’t ibang probinsya. Ito ay magpapahintulot sa mga tanggapan ng Sportelli Unici na matapos agad ang pagsusuri sa mga aplikasyon at sa pamamagitan ng pagbibigay ng awtorisasyon o ‘nulla osta’ na kinakailangan ng manggagawa ay matanggap ang entry visa sa pagpasok sa bansa.
Kaugnay nito, isang komunikasyon buhat sa Inps ang nagbibigay ng tagubilin sa mga employers, na sinundan ang isang Circular buhat sa Ministries of Labor at Interior. Ito ay nagpapa-alala na sa taong ito ay pinahihintulutan ang pagpasok ng mga manggagawa buhat sa South Korea.
Binigyang-diin din ng Inps na upang mapadali ang proseso at upang matugunan ang kwestyon ng regular na pagpasok ng manggagawa na hindi nasusundan ng angkop na hiring, ang pagpirma sa contratto di soggiorno sa Sportello unico ay nagtatanggal sa obligasyon ng employer sa ‘comunicazione obbligatoria’. Matapos pirmahan ang kontrata sa Sportello Unico, ang worker ay pormal na hired at maaari ng mag-aplay para sa issuance ng permit to stay.