in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA LUSLOS O HERNIA

Ang luslos o hernia ay isang kondisyon kung saan ang malambot na tisyu o masel na naglalaman o bumabalot sa mga laman-loob ng katawan (abdomen) at ang ibabang  bahagi ng katawan (inguinal area), ay napunit o nabutas. Ang pagkapunit ng malambot na tisyu o masel ay sanhi ng pagbubuhat ng mabibigat na bagay o labis na pag-iri (kung nanganganak).

Ang isang tao ay maaaring may luslos ngunit hindi niya ito nararamdaman hanggang sa magkaroon ng isang pwersa na maging sanhi ng kaniyang luslos  gaya ng pag-ubo, pag-iri, pagbubuhat ng mabigat, paglaki ng tiyan, at iba pa. Maaaring lumuslos ang bahagi ng bituka papunta sa bayag o sa may bandang singit at magsanhi ng pagbukol sa ilalim ng balat.

Sa simula ang bukol ay nawawala kapag ang tao ay nakahiga. Habang tumatagal, maaaring hindi na ito mawawala ng kusa at kailangang alalayan ng kamay para umimpis. Maraming luslos ang walang pinepresentang  problema, maliban sa pagkakaroon ng bukol na hindi sumasakit. Ngunit ang ibang luslos ay maaaring magdala ng hindi magandang pakiramdam, o pagkirot na mas pinapalala kapag nakatayo o nagbubuhat ng mabibigat na bagay. Maaari ring makaramdam ng biglaang sintomas sa tiyan tulad ng pananakit, nasusukang pakiramdam, at pagsusuka. Sa ganitong pagkakataon, ang luslos ay matigas at masakit hawakan at hindi na kayang ibalik pa sa tiyan.

Nagiging delikado ang luslos kapag ang nakalusot na bituka ay umiimpis at nasakal (mawalan ng pinagkukunan ng dugo). Kapag nangyari ito, nagiging masakit ang bukol lalo na kapag hinahawakan. Kapag nabulok ang bahagi ng bituka na nasakal, maaaring tumagas ang mga laman nito sa loob ng tiyan at maging sanhi ng impeksiyon. At maaari ring pagkamatay ng parteng iyon ng katawan. Ang isang nasakal o strangulated hernia ay maaaring magresulta sa intestinal obstruction o pagkakaroon ng bara sa bituka na nagdudulot para ang tiyan ay lumaki. Ang ganitong pangyayari ay maaari ring magdala ng pagkabutas ng mga bituka, pagbaba o pagkawala ng blood pressure o kaya ay pagkamatay.  Kapag nangyari ito, kailangan maoperahan kaagad ang taong may luslos.

Maraming klase ang luslos. Ang mga ito ay hiatus o diaphragmatic, direct/indirect inguinal o groin, umbilical, incisional, at femoral. Ang sanhi ng ilang luslos ay hindi madaling mabatid subalit marami ang nagmumula sa mataas na presyur sa loob ng tiyan, mahinang parte sa kalamnan, o kombinasyon ng dalawa.

Sa mga nakatatanda, ang luslos o femoral hernia ay maaaring mangyari sa mga buntis o sa mga nanganak na ng maraming beses, at sa labis na matataba dahil sa mataas na presyur sa tiyan.

Sa mga kalalakihan, ang tinatawag na direct inguinal hernia ang karaniwang nangyayari sa singit na parte ng kalalakihan. Ito ay kung saan ang mga ugat at parte ng bayag ay dumadaan patungo sa tiyan at patungo ulit sa scrotum. Dahil sa kahinahan ng kalamnan ng tiyan, kung minsan ay may parte ng bituka na napapasuot sa daan ng mga ugat na para sana sa mga ugat ng bayag.

Ang indirect inguinal hernia ay madalas itong nakikita sa mga bata. Mapapansin ang bukol sa may singit na maaaring umabot hanggang sa bayag. Ang paglabas ng bukol ay maaaring dulot ng pag-iyak o pag-iri ng bata.
Ang ilang sanggol ay ipinanganganak na may luslos. Ang umbilical hernia ay luslos sa may bandang pusod. Maaaring mawala ng kusa sa loob ng apat (4) na taon. Kung kakailanganin  ng operasyon, mas mabuti kung maghintay na ang isang sanggol ay higit sa isang taong gulang bago operahan.

Ang incisional hernia ay luslos na nakikita sa bahagi ng tiyan na dating naoperahan. Ang paghina ng bahaging ito ng tiyan ang nagiging sanhi nito.

Ang hiatus hernia ay nagaganap kapag umuusos ang tiyan o sikmura pataas at papasok sa mediastinum sa pamamagitan ng pagdaan sa awang ng esopago sa loob ng bamban o diaphragm. Kapag malaki ang luslos, itinutulak nito ang baga sa gilid kung kaya’t ito’y magdudulot ng mahirap na paghinga ng pasyente. Ito ay sanhi ng katabaan, maling posisyon sa pag-upo (slouching), madalas na pag-ubo, pag-iiri sa pagdumi, namamana, at congenital defects.

Ang tanging lunas sa luslos ay operasyon. Ito ay tinatawag na herniorrhaphy kung saan pinapaliit o tinatakpan ang butas sa mahinang bahagi ng tiyan. Pinapayuhan ang lahat na kumunsulta sa doctor kapag may napansing sintomas ng luslos. Mas maigi pa ring sumailalim sa tradisyonal na lunas at ito ay ang operasyon.

Mga ilang lunas habang nasa loob ng tahanan kung ang luslos ay hindi naman masyadong masakit o sinumpong ka ng luslos. Ang isang epektibong gawain ay ang mahiga at pwede mong iangat ng konti ang bahagi na may luslos (maglagay ng unan). Relax ka lang, iwasan umiri at umubo at kusang mawawala ang luslos. Minsan mainam rin ang hilutin ang luslos pabalik sa tiyan mula sa bayag. Para sa kirot, maaari ring magreseta ang doctor ng pain reliever gaya ng Paracetamol o Ibuprofen. Iwasan ang magbuhat ng mabigat. Magsuot ng hernia support underwear, binders, trusses o gumawa ng sinturon para hawakan ang luslos. Para sa kumikirot na luslos, ang paglalagay ng malamig na tuwalya sa apektadong parte ay epektibo. Iwasang maglagay ng init sa luslos. Iwasang kumain ng sobra-sobra. Iwasan ang sobrang pag-inom ng alak. Kailangan ring hindi masyadong magpaapekto sa stress.

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

ni: Loralaine J. Ragunjan – FNA Rome Foundress

Sources:  www.health.wikipilipinas.org,  www.kalusugan.ph, www.buhayofw.com, www.ebookbrowse.net

Ang  aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Pinapayuhan pa rin namin kayo na magpatingin sa inyong doctor para mabigyan kayo ng nararapat na solusyon tungkol sa inyong karamdaman.

Ang FNA-Rome ay isang independent, non-commercial, non-profit, non-partisan, non-sectarian volunteer organization. Ang pagkuha ng blood pressure at blood sugar/cholesterol test ay kabilang sa mga serbisyong ibinibigay namin tuwing medical outreach.

 

 

Click to rate this post!
[Total: 8 Average: 4.4]

Zumba Mommies, patok na patok sa Roma

Eastern Samar, niyanig rin ng lindol