Ako po ay mayroong carta di soggiorno na inisyu limang taon na ang nakakaraan. Dapat ko bang gawin ang domanda di aggiornamento?
Roma, Marso 3, 2017 – Ayon sa artikulo 17 ng D.P.R. 394/99, ang EC long term residence permit o dating carta di soggiorno ay ginagamit bilang isang personal identification document sa loob lamang ng limang (5) taon matapos ang petsa ng issuance nito.
Ito ay nangangahulugan na kahit ang nabanggit na dokumento ay walang expiration date, ang dayuhan ay kailangang i-update o gawin ang aggiornamento nito para sa larawan tuwing ika-limang (5) taon o tuwing magre-renew ng pasaporte, sa pagpapalit ng anumang personal details, sa pagpapalit ng address o sa paglalagay ng menor de edad na anak na wala pang 14 anyos, kahit na ang dokumento ay ini-release ng wala pa sa limang (5) taon.
Mainam na ugaliin ang pag-a-update ng nasabing dokumento animnapung (60) araw bago ang ika-limang taon ng issuance nito. Halimbawa, kung ang EC long term residence permit ay ini-release noong Nov. 20, 2010, ay mainam na isumite ang domanda di aggiornamento nito mula Sept. 20, 2015.
Ang application for updates ng nasabing dokumento ay maaaring gawin sa pamamagitan ng kit postale at kailangang bayaran ang postal bill na nagkakahalaga ng € 30,46 para sa releasing ng electronic permit to stay, bukod pa sa 30,00 euros na serbisyo ng poste italiane at 16,00 euros na marca da bollo.
Sa aplikasyon ay kailangang ilakip din ang kopya ng pasaporte at kopya ng balidong carta di soggiorno. Tandaan na sa pag-a-update ay hindi na kailangang sumailalim sa pagsusulit ng wikang italyano. Ito ay kailangan lamang sa first issuance ng EC long term residence permit.