Totoo ba ang kasabihang “first love never dies”?
Isang alaalang nais kong balikan
Ay ang alaala noong kabataan
Isang pulang rosas noo’y aking tangan
Munting ala-ala ni Mr. Valentine
Ang taglay na rosas nang kanyang i-abot,
Mukhang nanghihina may bakas ng lungkot
May patak ng luha ang bawat talulot
At ang kanyang tinik tila nanlalambot
Mula sa kamay niya ay minamasdan ko
Ang pagkakahawak sa pulang rosas ko
Mayroon dumapong munting paru-paro
At kanyang sinimsim ang taglay na bango
Nang aking tanggapin ang handog nyang rosas
Tamis ng pag-ibig di ko na mabakas
Ang taglay na bango ay dagling lumipas
Pati pulang kulay ay biglang kumupas
Magkagayon pa man aking itinago
Ang kupas na rosas sa loob ng puso
Aking hinihintay ang muling paglago
Muling manariwa ang rosas kong tuyo
Sa araw na ito aking pupuntahan
Ang puntod ng aking mahal na Valentine
Sasariwain ko ang aming sumpaan
Na ako at siya hanggang kamatayan
Rosas na handog nya ay aking dadalhin
Sa loob ng puso aking dudukutin
Pasasayahin ko malungkot nyang libing
At sasabihin kong ako ay hintayin
Hintayin mo ako di na magtatagal
At maririnig din ng Poong Maykapal
Kanyang ibibigay ang tangi kong dasal
Na makapiling ka sa kabilang buhay
Sa dakilang araw nitong mga puso
Muling bubuhayin hinabing pangako
Ang mga pangarap na dagling naglaho
Muling ibabalik sa ulilang puso
Wala nang halaga Valentine sa akin
Pagka’t ang mahal ko di ko na kapiling
Tandang tanda ko pa nang siya ay kunin
Valentine’s Day noon February 14
ni: Letty Manigbas Manalo