in

Taunang pista ng Sto. Niño, ginunita sa Milan

“Tumindig ka at lumakad”

 

Milan, Enero 23, 2017 – Nasa ika-23 taon na ang selebrasyon ng pista ng Santo Niño sa Milan, Italy. Ito ay masayang idinadaos ng grupong Cebuanos and Friends Association, ng Filipno Catholic Community of Sto. Niño de Cebu Milan, at ng mga deboto na ginanap sa simbahan ng Francesco Borromini.

Isang prosesyon ang isinagawa ng mga deboto na dumaan sa mga pangunahing lansangan sa Milan at tumagal ng mahigit 40 minuto.

Naroroon ang mga grupong mananayaw at si Marie Reglina ang hinirang na Reyna ng Sinulog 2017 sa Milan. Hawak niya ang imahen ni Sto. Niño habang nagpapatugtog ang drum and lyre band, na syang pumukaw sa atensiyon ng  mga tao.

Matagal na akong kinukuha na reyna pero masyado akong naging busy sa mga nakaraang taon, pero ngayon na mayroon na, tinanggap ko na ang alok ng Cebuanas and Friends”, masayang kwento ng 20 anyos na Milan Sinulog Queen 2017.

Iwinawagayway ng mga deboto ang mga dalang Imahen ni Sto. Niño at mga bulaklak, habang sa dulo ng prosisyon ay nagdadasal naman ng nobena.

Pinaniniwalaan naman ni Merz Garcia, 14 na taon ng naglilingkod bilang OFW sa Italya, na kasa-kasama niya si Sto. Niño at pinoproteksyunan siya na malayo sa sakit.

Samantala, maliit pa lamang umano si Letizia, na laking simbahan sa Binangonan Rizal, ay dala-dala na nito si Sto. Niño. 

Lubos naman ang pasasalamat ni Florie na mahigit 30 taon na sa Italya dahil dininig umano ni Sto. Niño ang kanyang panalangin at gumaling sya sa kanyang nararamdaman noong siya ay bata pa.

Lalo na ngayon dito sa Italya ay ginagamot ako, may tiwala ako sa mahal na Sto. Niño at alam kong mapapakinggan niya ang aking hiling na pagalingin ako”,  ani Florie.

Ibinigay rin ni Sto.Niño kay Tita Delia ang lahat ng kahilingan nito. Ang kanyang bitbit na poon ni Sto.Niño ay iniwan niya sa Pilipinas subalit noong Agosto 2016 ay kanyang dinala ito sa Italya.

May hiniling akong pinakaimportante kay Sto.Niño noong December 2016 na bago magbagong taon ay makuha ko, at ito ay ibinigay niya.” Masayang tugong ni Tita Delia.

Pagkatapos ng prosesyon ay sinalubong ng palakpakan ang Imahen ni Sto. Niño sa pagpasok sa Simbahan at nagsigawan ng lahat ng Viva Pit Senior!


Bago magumpisa ang misa ay ipinakilala ni Rev. Father Alex Vavasori si Father Don Antonio Corti sa mga deboto na mula sa Parokya Sta. Maria Fontana, (zona Farini) upang maghatid ng banal na salita ng Diyos.

Si Rev. Father Vavasori ay matagal ng sumusuporta sa Filcom sa Milan at nagbigay din ng isang maikling mensahe sa wikang pilipino.

Mga minamahal kong mga kaibigan, maligayang pagdating sa ating piyesta. Ang araw na ito ay araw ng kaligayahan, para baguhin ang inyong kahulugan ng pagbabayanihan, tayong lahat ay iisang kumunidad at iisang pamilya”, bahagi ng talumpati ng pari.

Tumindig ka at Lumakad”, ito ang tema ng kapistahan at para sa pari ito ay isang magandang oportunidad sa pangangailangang pagninilay upang makapagpatawad sa kapwa.

Lalo na sa mga biktima ng droga at kawalan ng katarungan sa Pilipinas at sa buong mundo”, dagdag pa ni Vavasori sa kanyang maikling talumpati.

Hindi lamang mga pinoy ang nakisaya sa selebrasyon ng pista ni Sto. Niño kundi naroroon din ang mga ibang lahing mga deboto na nananampalataya sa mahal na Sto.Niño. 

Pagkatapos ng misa ay binasbasan ng pari ang mga Imahen ni Sto.Niño na dala ng mga deboto at masayang nilisan ang tahanan ng Diyos.

Halos lahat ng mga Imahen ng Sto.Niño ay nanggaling pa sa Pilipinas.

 

ni Chet de Castro Valencia

larawan ni Jesica Bautista

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Sakit na GERD o Gastroesophageal Reflux Disease

Third Round ng peace talks, nagaganap sa Roma