Sa dalawang magkasunod na araw ay binisita ni Foreign Secretary Perfecto Yasay ang mga Pilipino sa Roma at Milan upang makadaop-palad ang mga ito at takalayin ang mga suliranin ng mga Pilipino sa Italya.
Roma, Enero 25, 2017 – Sa dalawang magkasunod na araw ay binisita ni Foreign Secretary Perfecto Yasay ang mga Pilipino sa Italya upang makadaop-palad ang mga ito; noong Jan 19 ang mga Pilipino sa Roma at Jan 20 naman ang mga Pilipino sa Milan.
Una sa lahat ay dala-dala ni Foreign Secretary ang mahalagang mensahe mula kay Pangulong Duterte. Ito ay ang taos pusong pasasalamat sa mga Pilipino sa Italya na kumatawan sa higit 90 % na kabuuang botong natanggap ng Pangulo sa Italya.
Bukod dito ay iniulat din ni Yasay ang naganap na pakikipag-kita nito kay Italian Foreign Minister Angelino Alfano kung saan pinirmahan ang MOU o Memorandum of Understanding ukol sa Bilateral Consultations ng dalawang bansa. Ito ay ang kasunduan para sa mga susunod at regular pang pagkikita ng dalawang bansa para sa mga usaping pang-politikal, pang-ekonomiya at kabilang na rin ang ikabubuti ng mga Pilipino sa Italya.
Bahagi rin ng naging pag-uusap ang ika-70 taong diplomatic relations ng dalawang bansa sa nalalapit na Hulyo 2017.
Kaugnay nito, kinilala naman ni Foreign Minister Alfano ang pagsusumikap ng mga Pilipino sa host country. Binanggit rin umano ni Alfano ang pagiging masipag, disiplinado at well-integrated ng buong komunidad.
Sa katunayan, kwento pa ni Yasay, ay pawang mga Pilipino umano ang mga kasambahay ni Alfano. “Halos hindi nga payagang umuwi ang mga kasambahay sa Pilipinas”, kwento umano ni Alfano kay Yasay.
Ibinalita rin ni Yasay ang sinabi ni Alfano na marahil ay manggagaling sa ikalawang henerasyon ng Filipino Community ang isa sa future leaders ng Italya.
Sa kanyang pagbisita sa mga Pilipino ay tinalakay rin ni Yasay ang mga hinaharap na problema ng mga OFWs, una sa Roma.
Sa ginanap na forum sa Embahada kung saan dumalo ang tinatayang 50 leaders ng FilCom, ay inamin ni Yasay ang malaking antala sa releasing ng renewal ng mga pasaporte ng mga Ofws. Bilang halimbawa aniya, matagal rin ang nakukuhang appointment para sa aplikasyon ng pasaporte sa Pilipinas. Ito aniya ay sanhi ng ilang pagbabago sa namamahala ng printing ng mga ito.
Gayunpaman, lahat ng pagsusumikap ay ginagawa ng kanyang tanggapan upang masolusyunan sa lalong madaling panahon ang nabanggit na problema. Bukod dito ay inaasahan din ang pagsasabatas ng isang panukala ilang buwan mula ngayon na magpapalawig sa validity ng mga pasaporte mula 5 hanggang 10 taon, dagdag pa ni Yasay.
Bukod sa pasaporte ay tinalakay din ang hindi matugunang iisang paraan ng pagsusulat ng pangalan ng mga Pilipino sa Roma, partikular ang tamang solusyon – ang paggamit ba ng middle name bilang second name o ang tuluyang pagtatanggal sa ‘middle name’.
Matatandaan ang biglaang pagpapatupad ng Ministry of Interior sa Italya sa pamamagitan ng Circular 29 noong Oktubre 2010 kung saan nasasaad ang hindi na pagbabanggit o pagtatanggal sa middle name ng bawat Pilipino na karaniwang idinuduktong sa kanilang first name.
Hanggang sa kasalukuyan, ayon sa mga Pilipino na dumalo sa forum ay mayroon pa ring kaguluhan ukol sa tamang pagsusulat ng kanilang mga pangalan at ang layuning pagkakaroon ng iisang paraan ng pagsusulat ng pangalan ng Pilipino ay hindi pa rin natutugunan.
Pangako naman ni Yasay na haharapin ang problemang isinangguni sa kanya ng mga kababayan. Ito umano ay pag-aaralan at hahanapan ng pinak angkop na tugon ngunit ang solusyon nito, bigay-diin pa ni Secretary, ay nakasalalay din sa gobyerno ng Italya.
Samantala, openess o pagiging bukas naman ng Embahada at ng mga empleyado nito sa mga Pilipinong manggagawa, ang ipinaaabot na kahilingan ni Cora Jusi, isang Ofw sa Roma, kay Secretary.
Nagtapos ang pagtitipon sa masayang photo opp ng mga dumalo kasama ang mga opisyal.