Maaari bang kontrolin ang bawat galaw ng mga colf at caregivers habang sila ay nasa tahanan ng kanilang employer sa pamamagitan ng isang video surveillance? Narito ang pahayag ng Ispettorato Nazionale del Lavoro
Ang mga colf, caregivers at babysitters ay isang uri ng propersyon na inaasahan at pinagkakatiwalaan ng maraming employers sa pangangalaga ng mga mahal sa buhay tulad ng magulang at mga anak, bukod pa ng sariling tahanan.
Ngunit maaari ba silang bantayan o ang kontrolin ang bawat galaw habang sila ay nasa tahanan ng kanilang employer sa pamamagitan ng isang video surveillance? Narito ang pahayag ng Ispettorato Nazioanle del Lavoro noong Pebrero 8, 2017 protocol n.1004.
Una sa lahat ay nilinaw ng Inail ang kahulugan ng domestic job. Ito umano ay “uri ng hanapbuhay na esklusibong tumutugon sa pangangailangan ng pamilya ng employer (art. 1, Batas 339/1958), at ang karakter ng trabaho ay direkta sa buhay ng pamilya”.
Ang mga gawaing ito ay isinasagawa lamang sa tahanan ng employer at ng kanyang pamilya (at hindi sa opisina o kumpanya) at samakatuwid – tulad ng ipinahayag ng hukuman sa hatol no. 565 ng 1987 – “at dahil sa partikular na katangian ng domestic job ay naiiba ito sa iba pang uri ng trabaho.”
Sa katunayan, ang domestic job ay hindi napapailalim sa Statuto dei lavoratori o Batas sa proteksyon ng mga manggagawa pati na rin sa pagpapatupad ng anumang limitasyon at pagbabawal na nasasaad sa art. 4 ng Batas n. 300/1970, na tumutukoy sa pag-iinstall ng mga video camera sa lugar ng trabaho.
Samakatwid ang sinumang nagnanais na mag-install ng video surveillance system sa sariling tahanan ay maaaring gawin ito nang hindi nangangailangan ng anumang pahintulot mula sa Territorial Inspectorate. Gayunpaman, ang employer ay dapat “respetuhin ang mga probisyon hinggil sa paggamit ng personal datas (trattamento dei dati personali) at siguraduhin ang proteksyon sa karapatan sa privacy ng manggagawa na nasasaad sa batas”.