in

Magnitude 4, yumanig sa Ischia island

Niyanig ng magnitude 4 ang Ischia island nitong lunes bandang alas 9 ng gabi. Dalawa ang nasawi at 39 ang sugatan. 

 

Lunes ng gabi bandang 8:57 tumama sa isla ng Ischia at Flemish coast ang magnitude 4 na lindol na yumanig sa 250,000 katao kabilang ang mga residente at mga turista na taunang dumadagsa para magbakasyon sa isla.

Nagdulot ng matinding takot ang pagyanig. Nagtakbuhan palabas sa kalsada ang mga turista at mga residente mula sa kani-kanilang tahanan, hotel at mga restaurants. Nilisan din ang ospital sa takot ng paguho nito. Ilang minutong nagkaroon ng problema sa komunikasyon. Nawalan naman ng kuryente sa Ischia. 

Ayon sa mga residente, nakarinig umano sila ng isang putok na tila isang bomba bago tuluyang naramdaman ang pagyanig. 

Pitong gusali ang gumuho sa Casamicciola, ang lugar na pinaka apektado ng lindol. Sa piazza Maio gumuho ang isang residential building. Matindi ring nasira ng pagyanig ang simbahan ng Purgatorio. 

Ayon sa mga ulat, dalawang babae ang naiulat na nasawi at 39 naman ang bilang ng mga sugatan sa Ischia na kinumpirma sa Radio Rai Newspaper ng direktor ng ‘Rizzolì Hospital ng Lacco Ameno. 

Mabilis na sinimulan ang pagsalba sa mga natabunan ng mga gusali. Bandang alas 4 ng madaling araw ng maisalba si Pasquale, ang pitong buwang sanggol. Ang mga magulang ni Pasquale ay ligtas na rin samantalang patuloy pa rin ang paghahanap sa isa pang kapatid nito na si Ciro, limang taon gulang. Samantala si Mattias ang pitong taong gulang na kapatid ng dalawa ay nailigtas na din. Ang magkakapatid ay nagtago umano sa ilalim ng kanilang kama. 

Kinilala ang unang biktima na si Lina Cutaneo na nabagsakan ng mga bahagi ng simbahan ng Santa Maria del Suffragio sa Casamicciola. Ang ikalawa naman ay hindi pa nakikilala. 

Tinatayang hindi bababa sa tatlumpung ang mga gumuhong gusali at ikinatatakot ang pagtaas pa ng bilang. Naramdaman na din ang ilang aftershocks. 

Ang Ischia ay isang vulcanic island at 30 kilometro ang layo sa Naples. Matatandaang ang Ischia ay niyanig na rin ng 5.3 magnitude na lindol noong Hulyo 28, 1883. Casamicciola ang epicenter kung saan 2,300 katao ang nasawi.

Samantala, hanggang sa mga oras na ito ay wala umanong naitalang apektadong Pilipino sa naging pagyanig. Kaugnay dito, naghihintay ang komunidad sa anumang advisory mula sa Embahada ng Pilipinas. 

 

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Bagong online process ng family reunification, sinimulan na

“Prevention is Better than Cure” – F.IN.Ass