Ako po ay nag-renew ng aking permit to stay, pati ng aking menor de edad na anak. Magkano po ang aming babayarang mag-iina sa Posta? Dapat po ba ay pareho kaming may kit?
Simula noong nakaraang June 10, 2017, batay sa Joint Circular n. 131 ng mga Ministries of Economy and Finance at Interior, ay muling itinalaga ang bagong halaga ng kontribusyon sa releasing at issuance ng mga permit to stay at carta di soggiorno.
Mahalagang alam ng bawat dayuhan ang pagbabagong ito simula nakaraang taon dahil sa kasamaang palad, hindi lahat ng operators ng Italian Post Offices ay alam ang halaga ng bayarin na dapat gawin ng mga dayuhan sa pagsusumite ng ‘kit’.
Gayunpaman, tandaan na ang halagang dapat bayaran sa c/c 67422402 sa Ministero dell’Economia e delle Finanze ay batay sa uri ng permit to stay na hawak at nire-renew.
Narito ang iba’t ibang halaga na dapat isulat sa bollettino na lakip ng kit:
1) € 70,46: Para sa sinumang magre-request ng releasing ng permit to stay na may validity ng higit sa 3 buwan at mas mababa naman ng isang taon tulad ng per motivo attesa occupazione, autonomo, cura, studente, gravidanza at iba pa. Ito ay tumutukoy sa € 40,00 ang bagong halaga ng kontribusyon + € 30,46 para sa printing ng electronic permit to stay.
2) € 80,46: Para sinumang magre-request ng renewal ng permit to stay na may validity ng higit sa 1 taon at mas mababa o katumbas ng dalawang taon tulad ng per motivo lavoro subordinato, familiari at iba pa. Ito ay tumutukoy sa € 50,00 ang bagong halaga ng kontribusyon + € 30,46 para sa printing ng electronic permit to stay.
3) € 130,46: Para sa sinumang may aplikasyon o unang request at duplicate ng EC long term residence permit o ang dating carta di soggiorno. Ito ay tumutukoy sa € 100,00 na bagong halaga ng kontribusyon + € 30,46 para sa printing ng electronic permit to stay.
4) € 30,46: Para sa sinumang magre-request ng Aggiornamento ng EC long term residence permit o ang dating carta di soggiorno tulad ng paglalagay ng anak na kapapanganak pa lamang, pagpapalit ng bagong address, passport, picture, civil status at iba pa. Ito ay tumutukoy sa € 30,46 sa printing ng electronic permit to stay.
5) € 30,46: Para sa mga anak na ‘carico’ under 18 years old.
PAALALA: Kung ang anak ay under 14 yrs old ay obligadong gawan ng karagdagang bollettino at isulat ang halagang € 30,46 para sa printing ng sariling electronic permit to stay ng menor. Hindi obligado ang magkaroon ng sariling kit.
Samantala, para sa mga anak na over 14 yrs old ay required na mag-apply ng sariling permesso di soggiorno o carta di soggiorno at samakatwid ay magkaroon ng sariling kit.
Bukod sa mga halagang nabanggit sa itaas, ay babayaran din ang halagang € 30 para sa serbisyo ng pagtanggap at pagpapadala ng kit sa Questura ng Poste Italiane at € 16 para sa revenue stamp o marca da bollo.