134 na mga kongresista ang bumoto pabor sa divorce bill, 57 ang tumutol habang dalawang mambabatas ang nag-abstain. Hindi rin sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na isabatas ang diborsyo sa Pilipinas.
Aprubado na sa third and final reading ng Kamara ang panukalang batas hinggil sa absolute divorce and dissolution of marriage sa Pilipinas.
134 na mga kongresista ang bumoto pabor sa divorce bill, 57 ang tumutol habang 2 mambabatas ang nag-abstain.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, mas pinabilis na ang proseso ng pagpapawalang-bisa ng kasal at mas mura na rin ang ibabayad ng mag-asawang maghihiwalay.
Ginamit rin na mga grounds ang mga kasalukuyang batayan para sa paghihiwalay o pagpapawalang-bisa sa kasal ng isang mag-asawa.
Ilan sa mga ito ay ang pambubugbog, pagpilit sa asawa na magpalit ng relihiyon at pananaw sa pulitika, drug addiction, pagkalulong sa alkohol, kung nakulong ng aabot sa anim na taon at kung hindi na nagsasama ang mag-asawa sa loob ng limang taon.
Kapag naisabatas sa regular proceedings ay magkakaroon ng anim na buwang paghihintay mula sa pagpa-file ng diborsyo sa pagbabaka-sakaling magkabalikan ang mag-asawa.
Magkakaroon din ng tinatawag na summary proceedings kung saan hindi na kakailanganin pa ng abugado ng mag-asawa at ang dissolution of marriage ay maaaprubahan sa loob ng isang taon kung:
1) Kapag ang mag-asawa ay hiwalay na ng limang taon;
2) Kapag ang isa sa mag-asawa ay pumasok sa bigamous marriage;
3) Kung legally separated mula dalawang taon;
4) Kung ang isa sa mag-asaw ay nakulong ng 6 na taon kahit nakalaya na;
5) Kung ang isa sa mag-asawa ay sumailalim sa sex reassignment surgery;
Ituturing naming indigent o maralita ang petitioner kung mas mababa pa sa 5 milyong piso ang halaga ng mga ari-arian nito kaya’t libre na siya sa serbisyo ng abogado, social worker, psychiatrist, psychologist at libre na ang filing fee.
Nagtakda naman ng pagpipilian sa batas hinggil sa alimony o sustento kung maaari itong gawing one time o periodic na nakadepende sa kasunduan gayundin sa kakayahan ng magkabilang panig.
Sa ngayon tanging annulment pa lamang ang kinikilala sa Pilipinas ngunit lubhang mahal at mahabang proseso ang kinakailangang pagdaanan ng mag-asawa.
Ang Pilipinas at ang Vatican na lamang ang mga lugar sa buong mundo kung saan hindi pa itinuturing na ligal ang diborsyo.